Torotot, di rin ligtas na pampaingay sa 2011

Isinama na rin ng Department of Health ang torotot sa listahan ng mga di ligtas na pampaingay para sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Isinagawa ng DOH ang pagbabawal matapos ang magkasunod na insidente ng pagkakalulon ng dalawang bata ng pito o whistle ng torotot.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang mga biktima, na hindi na pinangalanan pa, ay tatlo at walong taong gulang lamang. Kaagad silang isinugod sa mga pagamutan sa Maynila matapos ang insidente.

Ligtas na sa kapahamakan ang mga bata, ayon kay Ona.

Dahil dito, pinayuhan ng kalihim ang mga magulang na gumamit na lamang ng mga takip ng kaldero, kaserola o mga lata upang makalikha ng ingay sa pagsalubong sa 2011.

Maari rin ikang ilakas na lamang ang boses sa pagkanta sa videoke na paboritong libangan ng mga Pilipino.

Kaugnay nito, iniulat ni Ona na hindi na mapigilan ang paglobo ng mga nasusugatan sa paputok tatlong araw bago mag Enero 1.

Nakapagtala ang DOH ng 173 firecracker-related injuries mula alas-sais ng umaga ng Disyembre 21 hanggang alas-sais ng umaga ng Disyembre 28.

Ito ay mas mataas ng 36 porsiyento sa average na bilang ng mga kasong naitala sa nakalipas na limang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply