Totoo ang ‘justice delayed is justice denied’

MULING napatunayan ang paniniwalang “justice delayed is justice denied” sa kaso ng Vizconde massacre.

Hunyo 30, 1991 nang maganap ang pagpaslang sa mag-iinang Estrellita, Carmela at Jennifer Vizconde sa kanilang tahanan sa BF Homes, Paranaque City. Ni-rape din si Carmela.

Makaraan ang 19 na taon at kulang-kulang anim na buwang naubos na panahon sa kaso, naabsuwelto ang mga suspek sa krimen na sina Hubert Webb, Antonio Lejano, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Hospicio Fernandez, Peter Estrada at Gerardo Biong. Hindi naman nahagip ng kaso sina Artemio Ventura at Joey Filart dahil hindi sila nahuli.

Sinabi ng Korte Suprema na hindi lubos na napatunayan ng tagausig o piskalya ang pagkakasala nina Webb.
Kaya naman maaaring may ibang gumawa ng massacre.

Ang kahilingan ngayon ni Mang Lauro Vizconde, asawa at ama ng mga biktima, ay tulungan siyang maghanap ng mga salarin.

Eh anim na buwan na lang, mga Bro, ang nalalabi na panahon ng paghahanap sa mga tunay na kriminal.

Sapagkat may tinatawag na prescription period o panahon ng pagsasampa ng kaso na may hangganang petsa. Sa kasong murder with rape gaya ng kasong Vizconde, 20 taon ang prescription period at magtatapos ito sa Hunyo 30, 2011.

Makaraan nito, bawal nang manghuli at magsampa ng kaso sa salarin.

Bibihira ang mga kasong binibigyan ng extension para sa pagsasampa ng kaso.

Malamang na hindi sapat ang nasa anim na buwan para sa paghahanap ng tunay na salarin at pagsasampa ng kaso sa mga ito.

Dito na magkakatotoo ang paniniwalang Justice delayed is justice denied.

Maging ang mga acquitted na akusado ay nakaranas din ng matinding kawalan ng katarungan. Sino ang makatatanggap ng pagkabilanggo na nasa 15 taon at pagkatapos ay mapatutunayan din lang pala sa huli na hindi siya nagkasala?

Nakalulungkot isiping mawawala ang lahat sa  iyong pagkakabilanggo ng ganyang katagal. Para sa mga may-asawa, pati ang mga asawa nila’y kasamang naglalaho.

Paano ang panahon na nawala, ang tatak kriminal na naitanim sa isipan ng ibang mga tao?

Ano na ang nangyayari sa ating justice system?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply