Umaresto sa ‘Morong 43’ kakasuhan?

BUKAS ang Department of Justice (DOJ) sa ihahaing reklamo laban sa mga sundalo at pulis na umaresto sa tinaguriang “Morong 43.”

Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, malaya ang DOJ na magsagawa ng pag-iimbestiga kung may reklamong ihahain sa tanggapan laban sa mga sundalo at pulis na responsable sa pag-aresto sa mga health workers.

Una nang inamin ng gobyerno na may mga naging pagkakamali at paglabag sa ginawang pagdakip sa 43 health workers noong ika-anim ng Pebrero sa isang resort sa Morong, Rizal.

Tiniyak naman ni De Lima na makatatanggap ng patas na pagtrato ang mga irereklamong sundalo at pulis.

Ayon kay De Lima, dapat magsilbing aral ang kaso ng “Morong 43” sa mga otoridad na sundin ang ligal na proseso sa  mga gagawing raid o pag-aresto sa mga suspek.

Samantala, labis umano ang pagkadismaya ng mga kaanak ng tinaguriang “Morong 43” dahil sa pagtanggi ni Pangulong Aquino na mag-public apology ang militar.

Ayon kay Jigs Clamor ng grupong Karapatan, hindi sapat ang ginawang pag-atras lang ng kaso. Mas gusto umano nilang kasuhan ng gobyerno ang mga sundalo at pulis na responsable sa pag-aresto sa mga health workers.

Magugunitang ilang kaanak ng “Morong 43” ang nagsasabing mararamdaman lamang nila ang sinseridad ng administrasyon kung magso-sorry ang militar.

Kaugnay nito, naninindigan naman ang AFP na wala silang balak mag-sorry sa “Morong 43” dahil wala naman daw silang nilabag na batas.

Una rito, sinabi ni Aquino na hindi na kailangang mag-public apology ang gobyerno dahil sapat na ang ginawang pag-aayos sa pagkakamali sa warrant of arrest para maipakita ang sinseridad nito.

Ayon sa Pangulo, sobra na ang hirit na public apology ng “Morong 43.” Teresa Tavares

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply