Vizconde Massacre case, balik sa zero; illegal gambling sa QC

BACK to zero ang mga awtoridad natin sa Vizconde massacre case matapos palayain ng Korte Suprema itong mga pangunahing suspects na sina Hubert Webb, Antonio “Tony Boy” Lejano, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Peter Estrada, at Pyke Fernandez, bunga ng kabiguan ng prosecution panel na patunayan sa kataas-taasang korte ang pagkakasala ng mga salarin kasabay na rin ng mga di magkakatugmang testimonya ng star witness na si Jesica Alfaro, na ngayo’y planong balikan ng sangkatutak na kaso ng pamilya-Webb.

Lumutang na rin sa eksena si John Herra, ang dating NBI agent na nagsilbing security escort ni Alfaro hanggang sa maging nobyo ng huli noon. Inamin na ni Herra na may mali sa ginawa nilang  pag-akusa at paghuli kina Hubert Webb na naging dahilan ng pagkakakulong ng mga ito ng may 20 taon (limang taon sa Parañaque City Jail at 15 sa New Bilibid Prisons).

Ipinaliwanag ni Herra na totoong hindi ma-identify ni Alfaro si Webb sa mga litratong ipinakita nila noon bago ito maging star witness. Sinabi rin ng dating NBI agent na may “pressure” sa taas noon kung kaya’t lumalabas na minadali ang imbestigasyon hinggil sa kasong ibinibintang kina Webb. Lumalabas din na posibleng imbento lang ang mga alegasyon ni Alfaro bilang star witness laban sa grupo ni Webb.

Tanong ngayon ay kung sino ang nagturo kay Alfaro para idiin itong sina Hubert Webb? ‘Yan ay kung totoong walang kinalaman ang mga ito sa Vizconde massacre case.

Sa pagbubukas muli ng kasong ito, marami ang mga anggulong dapat pagtuunan ng masusing pansin ng mga imbestigador natin.

Isa na rito ay ang ginawang pagsunog ng dating Parañaque police investigator na si Gerardo Biong sa mga mahahalagang ebidensiya na kanyang nadatnan nang dumating siya sa bahay ng mga Vizconde ilang sandali matapos ang krimen.

Alam ni Biong na mali ang kanyang ginawa bilang isang beteranong imbestigador ng pulisya. Ang tanong dito ay kung ano ang nagtulak sa kanya para sunugin ang mga ebidensiya? Sino ang nag-utos kay Biong  na gawin iyon?

Binuno ni Biong ang 12-taon parusa sa kanya kaya’t ang tanong dito ay kung handa pa rin siyang makipag-tulungan sa mga awtoridad sa pagbubukas muli ng imbestigasyon sa Vizconde massacre case?

Marami ang naniniwala na malaki ang maitutulong ni Biong sa paglulutas ng kasong ito. ‘Yan ay kung papaya siya?

Dalawa pang suspek sa Vizconde case — sina Joey Filart at Artemio “Dong” Ventura – ang di na gaanong nabigyan ng pansin noon at tuluyan nang naglaho. Sa ginawa nilang pagtatago, marami ang naniniwala na malaki ang posibilidad na ang dalawang ito ang direktang may kinalaman sa nasabing kaso.

Pero hindi ba’t si Alfaro rin ang nagsangkot sa kanila sa kasong ito?

Maraming klase ng imbestigasyon ang bubunuin ng mga awtoridad natin at sana naman ay matapos ng maayos bago sumapit ang pagtatapos ng prescription period ng nasabing kaso sa susunod na taon.

* * * * * * *

SUNOD-sunod na text ang aking natanggap matapos nating talakayin sa espasyong ito ang illegal gambling operations na nagaganap hanggang ngayon diyan sa lungsod na pinag-haharian nitong sina Mayor Herbert “Bistek” Bautista at Chief Supt. Benjardi Mantele.

Kinumpirma ng mga texters ang lotteng nina Boyet Kalabaw, Lito Motor, Rolex 88 at Ver Bicol pati na rin ang ala-jueteng style na “Basketball 38” nitong sina Perry Mariano, Eddie Caro at Tepang gayundin ang video karera nina Renel at Dakne. Kasabay na rin sa text nila, siyempre, ang pagkundena sa kanilang mayor at hepe ng pulisya.

Sa Payatas naman daw, dalawang pulis – ang isa ay naka-destino sa Camp Karingal habang ang isa ay sa Police Station 6 ng QCPD, at isa pang kagawad ng barangay ang may puwestuhan ng video karera sa kanilang lugar.

Ilang beses  na raw naireklamo at kinumpiska ang video karera machines ng mga ito sa QCPD Station 6 pero kinabukasan ay ibinabalik lang sa mga puwesto nito.

Sino ba ang hepe ng QCPD Station 6? Masarap ba ang kita sa video karera? Kasama rin ang istasyon na ito sa listahan ng mga police stations sa QC na tumatanggap ng lingguhang “lagay” mula sa mga lotteng lords na binanggit ko sa inyo.

* * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply