‘Malaking isda’ sa Kumar case

MAY posibilidad na may mas “mataas” pa na opisyal ng kapulisan ang sangkot sa tangkang pag-kidnap sa Indianong si Manjinder “James” Kumar at sa pagpaslang sa dalawang kasamahan niya sa insidenteng naganap nitong nakaraang buwan ng Disyembre sa Pasay City.

Hindi rin ito isinasantabi ng mismong biktimang si Kumar kasabay ng paniniwala na pawang “executors” lamang o tagapag-patupad sa planong pagdukot sa kanya ang mga pulis-Quezon City na nauna na niyang itinuro sa mga imbestigador ng pulisya ng Pasay City sa pangunguna ng hepe ng pulisya doon na si Senior Superintendent Napoleon Cuaton.

Si Kumar ang pinaka-batang naging presidente ng Khalsa Diwan, ang Indian Sikh temple na matatagpuan sa United Nations Avenue, Maynila.

Malaki ang hinala ni Kumar na ilan sa mga dating opisyal ng kanilang emplo ang nagsilbing “utak” sa tangkang pagdukot sa kanya.

Ang mga ito, aniya, ang responsable sa patuloy na pagpapapasok sa Pilipinas ng mga Indiano na pawang iligal ang mga papeles. Sa madaling salita, human trafficking ang sindikato ng mga dating opisyal ng templo.

Ang mga ito rin, aniya, ang nagpapatay sa kanyang kapatid at pinsan may ilang taon na ang nakararaan.

Ang mga Indianong ito ang nasa likod din ng mga serye ng kidnap-for-ransom sa ilan nilang mga kababayan.

Inamin rin ni Kumar na malaki na ang kanyang nagawang pakikibaka laban sa sindikato ng kanyang mga kapwa-Indiano kung kaya’t nais siyang patahimikin ng mga ito.

Ibinigay na rin ni Kumar sa pulisya ang mga pangalan ng mga Bumbay na posibleng nagsilbing “utak” sa tangkang pag-kidnap sa kanya noong Disyembre 20 sa F. B. Harrison St., Pasay City – ilang metro lamang ang layo sa headquarters ng pulisya ng lungsod.

Maliban pa dito ang apat na Indiano na, ayon  sa salaysay ni Kumar, ay nakita niya mismo sa lugar ng insidente habang kasama ng iba pang mga suspek. Sila ay sina Gurdanshan Singh, Saudagar Singh, Deepak Kumar (walang relasyon sa biktima) at isang Baldev Singh Brar.

Sa ngayon, mga kasong murder, kidnapping with homicide, frustrated murder at carnapping with intimidation ang kinakaharap ng mgapulis-Quezon City at ng apat na nabanggit na Bumbay sa Prosecutor’s
Office ng Pasay City.

Ang mga kasong murder at kidnapping with homicide ay para sa dalawang kasamahan ni Kumar – sina Andy Ngie at Ferdinand “Pide” Ret – na kapwa na dinukot matapos pumalpak ang operasyon ng mga suspek laban sa nasabing Indiano.

Kamakailan lang ay magkahiwalay na natagpuan ang mga bangkay nina Ret at Ngie sa lalawigan ng Bataan at Pangasinan. Kapwa may tama ng mga bala sa ulo ang dalawang biktima at nakagapos ng packaging tape ang mga kamay at binti ng mga ito nang matagpuan.

Sa ngayon, ang mga pulis na sangkot na sina Chief Inspector Edwin Faycho, ang pinuno ng District Anti-Illegal Drugs Unit ng Quezon City Police District (QCPD); PO2 Edmund Faculdar; at PO1 Mark Edward Zapata, disarmado na at mahigpit na binabantayan sa loob ng QCPD headquarters sa Camp Karingal habang hinihintay kung ano ang magiging desisyon ng piskalya ng Pasay City.

Ang pagkakadawit ng mga ito sa kaso ni Kumar ay base na rin sa testimonya ng biktima, mga testigo at ni Senior Inspector Renato Apolinario, ang pulis-Pasay City na pinagbabaril ng mga suspek matapos tangkaing saklolohan nito ang biktimang si Kumar.
Bukod sa kasong kriminal, nakaabang na rin ang kasong administratibo laban sa nasabing mga suspek na pulis at sa ilan pang mga miyembro ng Anti-Illegal Drugs Unit ng QCPD.
oOo
Pero maliban sa nasabing mga pulis, dapat din tutukan ang ilang mga armadong sibilyan na  namataang kasama nila at nagpakilalang mga tauhan ng National Bureau of Investigations (NBI).
Ang mga suspek na ito ang nakita ng mga testigo na bumaril kina Kumar at Senior Inspector Apolinario.

Ang isa sa mga hinihinalang “asset” o civilian agent ng NBI na dawit sa kaso ay itong si Charles Pineda Lou, na nakita sa security camera ng ATM machine ng isang bangko sa Urdaneta, Pangasinan habang nagwi-withdraw ng pera gamit ang ATM card ng biktimang si Ngie noong madaling-araw ng Disyembre 21. Paniwala ng pulisya na maaring patay na ng mga oras na iyon sina Ngie at Ret.

Mabuti na lamang at marami rin “tipster” ang pulisya ng Pasay kaya’t madaling nakilala itong si Lou.

Sa paliwanag ng “tipster,” kabilang si Lou sa tinatawag na “kalawit” team na binubuo diumano ng mga organic members ng NBI kasama ang mga civilian agents at “assets” ng mga ito na umaakto bilang mga “front” sa bawat operasyon. Tanging target umano ng grupo ay mga foreigners na alam nilang may pera.

Pero sa imbestigasyon, lumalabas na kaanak ni Lou itong si PO1 Zapata – ang isa sa nga suspek na pulis-Quezon City.

Nagpahayag na si Lou sa pulisya ng Pasay City na nais na nitong sumuko sa mga susunod na araw. Nagsasagawa na rin kaya ng sariling imbestigasyon ang NBI tungkol sa bagay na ito?

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com  at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply