‘Road Safety’ seminar sa drayber sinimulan na sa TESDA

DAHIL sa magkakasunod na aksidente sa mga pa-ngunahing lansangan na isinisisi sa mga drayber ng jeep, bus, motorsiklo at iba pang sasakyan, nagkaisa ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na maresolba ang problemang ito para tuldukan na ang pagkamatay ng mga inosenteng mananakay at pagkapinsala ng mga ari-arian.

Tinugunan na ng mga bus at truck drivers ang pagpapairal ng patakaran ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Land Transportation Office (LTO) na dumaan sa “road safety” seminar.

Ang bagong reglamento ay dinaluhan ng mahigit sa 100 bus driver mula sa iba’t ibang kumpanya ng bus na nagsikap upang matugunan ang ipina-iiral na panuntunan ng dalawang ahensya.

Ginanap ang pagsisimula ng ‘road safety and environment friendly driving seminar’ kahapon, Enero 17 na tatagal hanggang Sabado, Enero 22, 2011, sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), Women Center, Taguig City.

Nakatuon ang seminar sa kaligtasan ng mga pasahero, at iba pang patakaran sa pagmamaneho sa long & short distance driving.

Dumalo sa naturang pag-aaral ang ilang bus companies tulad ng HM Transport, Erjohn & Almark, Biñan Bus system, Dela Rosa Liner, Doña Motors, San Agustin Trans., MuntiPartasTapat at iba pang pribadong kompanya ng bus.

Ang anim na araw na seminar ay magtatapos sa Sabado at dadaan ang mga tsuper sa actual driving at dito ia-asses kung nararapat silang mabigyan ang Safety Economical & Environment Friendly Driving qualification mula sa Tesda.

Dahil sa sunod-sunod na aksidente na kinasasangkutan ng mga bus, ayunin ng DOTC, LTFRB at Tesda na higpitan ang patakaran sa pagpili sa mga driver kung puwede silang magmaneho ng sasakyan.

Kailangan umanong magsumite ang mga drayber ng bus ng sertipikasyon mula sa Tesda bago sila pahintulutang makapagmaneho ng bus at makapag-renew ng kanilang lisensya.

Marami na umanong buhay ang nasayang nitong nakaraang taon dahil sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga bus.

Marami sa mga kasong ito ay dahil sa kapalpakan ng mga drayber at hindi maayos na pagmintine ng mga bus.

Kaugnay nito ang mga bus driver na hindi papasa sa Tesda certification, ay hindi na pahihintulutang  makabiyahe simula sa 2012.

Isinasapinal na ng DOTC ang guidelines na ipapatupad sa mga bus company simula 2012 kaugnay ng pagkuha ng mga driver.

Sinabi ni DOTC Consultant at dating Land Transportation Office (LTO) Chairman Alberto Suansing na simula sa Enero ng susunod na taon, hindi na maaaring magmaneho ng bus sa Metro Manila ang mga driver na walang  Tesda National Certificate Level 3 habang isusunod naman ang mga provincial bus driver sa Enero 2013.

Dahil dito, napuno ang training hall ng Tesda ng mga dumalo sa anim na araw na training program ng ahensya para sa mga kinatawan ng mga bus company para mapabuti pa ang pagmamaneho ng kanilang mga driver.

Sinabi ni Gabriel Genaro Bordado, Executive Director ng Tesda Competency Assessment and Certification Office, na unang bahagi ng training ay naka-sentro sa ligtas, economical, at environment friendly na pagmamaneho  habang ang ikalawang bahagi ng training ay ang assessment para sa National Certificate Level 3. Johnny Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply