116 testigo dadalo sa pagdinig ng Luneta hostage crisis sa HK

Sinimulan na ng  Department of Justice (DOJ) ang pag abiso sa may  116 testigo na kailangan silang dumalo sa pagdinig na gagawin ng Hong Kong government sa kanilang bansa  kaugnay sa naganap na August 23 Quirino Grandstand Hostage crisis.

Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, ito ay bilang kooperasyon sa kahilingan ni  Kevin Cervos ng   Hongkong Coroners Office Department for Justice   sa gagawing nilang pagdinig sa Pebrero 14-25.

Ang nasabing pagdinig ay kahalintulad din umano ng ginawa ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC).

Inatasan na rin ni de Lima si Chief State Claro Cristobal  na personal na makipag ugnayan sa mga testigo at abisuhan ang mga ito na ang pagbibigay nila ng statement ay boluntaryo at hindi sila maaring pilitin ng gobyerno kung ayaw nila samantalang personal namang dadalhin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang invitation letters sa mga witnesses.

Iginiit naman ng kalihim na upang maprotektahan na rin ang mga testigo ay susundin nila ang mga nakasaad sa Mutual Legal Assistance Treaty (MLAT).

Pinayuhan naman si de Lima ng  Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi na sumama sa delegasyon patungong Hong Kong dahil wala naman itong pormal na imbitasyon sa kabila nga ng pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino na dapat magtungo ang Kalihim sa nasabing bansa bilang pinuno na rin ng IIRC.

Nabatid na gagastusan ng Hong Kong government ang pamasahe ng mga testigo samantalang hindi naman  pagkakalooban ng pamahalaan ng Pilipinas ng abogado ang mga ito.

Sa nasabing pagdinig nais ng Hong Kong government ng closure sa nasabing insidente at kung ano ang tunay na sanhi ng kamatayan ng walong  Hong Kong nationals. Teresa Tavares

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply