2016 ELECTIONS NAPAKALAYO PA PERO PINAGLALAWAYAN NA NILA

NAPAKALAYO pa ang presidential elections sa 2016 pero atat na atat na rito ang ilang pulitiko.

Yung mga may gustong mailagay sa matataas na puwesto sa gobyerno lalo na.

Yung ilan ay kampante pero yung iba, eh, natataranta.

Ang kampante ay ang mga nagsasabing nasa likod umano sila ng pagkakaluklok sa puwesto ni bagong Comelec Chairman Sixto Brillantes.

Ang nataranta ay ang mga nabigla sa instant na pagpili at pagpapaupo ni PNoy kay Brillantes.

Malakas kasi ang paniniwala na kung sino ang nasa tore ng Comelec, ito ang magtityak ng tagumpay ng mga pulitiko.

Anoman ang pagtanggi ni Brillantes na mangyayari ito, hindi ito kapani-paniwala sa mga pulitiko.
Sino nga naman ang hindi matataranta riyan?

oOo

Tingnan ninyo, bago pa man maupo si Comelec Tserman Sixto Brillantes, may mga nakipag-usap na sa kanya na umano’y interesado sa Palasyo o sa Senado kaya.

Kinapa nila kung ano-ano ang mga programa ni tserman.

…Kung maghe-”Hello, Sixto” siya o hindi?

Wataymen, kung mangunguna siya sa pandaraya sa halalan o hindi.

Ang unang kautusan ni PNoy kay tserman, eh, maghanda para sa kapani-paniwala, tapat, patas at mapayapang halalan sa 2013.

Hindi gaanong bilib ang mga pulitiko rito.

Basta ang tingin dito ng mga pulitiko ay paghahanda na rin ito para sa presidential elections sa 2016.
Kaya nga, konektado ang halalang 2013 sa halalang 2016.

Derpor kailangan na nilang kumilos para harangin o suportahan si Brillantes sa kanyang puwesto ngayon.
Pupuwedeng tuntungan ang 2013 para sa paglundag sa Malakanyang o sa Senado sa 2016.

Daig ng maagap ang masipag, ganun ba?

oOo

Habang nagpapakita ng nakasusukang kaisipan ang ilang pulitiko, tadtad naman ng problema si Juan.

Por eksampol, lumalala ang kagutuman at kahirapan.

At nauugat na ito sa mga sari-saring hike na pinatutupad ng kasalukuyang rehimen.

Toll hike, power hike, oil hike, tinapay hike at kung ano-ano pang hike na nagsisilbing holdaper sa hilahod na sa hirap na si Juan.

Ang masama pa, wala man lang konsuwelo ang mga onorabol kundi sabihan lang si Juan na magtiis.
Sa huli na lang umano ito bumawi dahil lahat ng hike na yan ay para naman umano sa kanyang ikaaahon sa gutom at hirap.

Ang masakit, lalong walang makitang pagkilos ang mga pulitiko na utak halalang 2013 at 2016.

Mas gusto nilang mamulitika sa Comelec lalo’t babalasahin yata ni Mang Sixto ang lahat ng puwesto.

oOo

Ang mga pulitikong may malalaking pakinabang sa kapangyarihan ang may obsesyon sa pulitika.

May gustong manatili sa puwesto, pero yung iba, gusto nang mang-agaw.

At nagsisimula na sila ngayon sa pagtitig sa Comelec.

Puwede ba, magtrabaho muna kayo para kay Juan, huh

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply