25,000 bagong guro ire-recruit ng DepEd

TINIYAK ni Sen. Edgardo Angara na mas lalakas ang sektor ng edukasyon sa bansa matapos aprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pambansang badyet kung saan ay kasama ang pondo para sa pagkuha ng 25,000 bagong guro.

Ayon kay Angara, nagkaisa ang dalawang kapulungan ng Kongreso na dagdagan ang pondo ng sektor ng edukasyon upang matugunan ang pangangailangan sa kakapusan ng guro na siyang pinakamahalagang sangkap upang mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang kabataang Pilipino.

“The House, the Senate and the Palace all worked diligently to ratify the budget as early as possible, to enable the immediate implementation of the various proposed programs for 2011,” ayon kay Angara.

Sinabi ng senador na nakatakda sa badyet ng Department of Education (DepEd) ang karagdagang P110.3 milyon upang magamit sa pangangalap ng bagong guro.

Naibalik na rin ang pondo para sa maintenance and other operating expenses (MOEE) ng state colleges and universities (SUCs).

“Matutugunan na natin ang kakulangan ng guro sa pampublikong paaralan base sa badyet na inaprubahan at isinabatas ni Pangulong Aquino,” ayon kay Angara.

Inihayag pa niyang nakatakdang amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers upang mabigyan ng karagdagang benepisyo ang pampublikong guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang scholarship grants at libreng atensiyong medikal at dental sa kanilang kaanak.

“Mahalagang papel ang gagampanan ng mga guro sa isang bansa kaya’t nararapat lamang na pagtuunan nang pansin ang kanilang pangangailangan,” giit ni Angara.

Sa pamamagitan ng Senate Bill 2063 na inihain ni Angara, matutugunan na umano ang iba pang pangangailangan ng mga guro partikular ang naturang karagdagang benipisyo na mahigpit nilang kailangan nang hindi nababawasan ang kanilang kinikita.

“We must strive to improve the compensation packages of our nation’s unsung heroes, so that they are motivated to work even harder in their task of shaping the minds of our youth,”  dagdag pa ni Angara.   Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply