26 container vans hinarang ng PDEA sa Port of Manila

MALAKI ang dapat ipaliwanag ng hepe ng X-ray Division ng Bureau of Customs na si Atty. Lourdes Mangaoang sa publiko kaugnay sa ginawang pagharang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa may 26 na 20-footer container vans sa loob ng Port of Manila noong nakaraang Huwebes ng gabi.

Naalerto kasi ang PDEA matapos makatanggap ng impormasyon na ilan sa nasabing hinarang na mga containers vans ay naglalaman ng shabu.

Sakay ng dalawang barkong pag-aari ng Yang Ming Marine Transport Corporation ang mga kargamento na nagmula pa sa bansang China. Nguni’t bago dumiretso sa Pilipinas ay dumaan muna ng bansang Malaysia ang naturang barko.

Ayon sa aking source sa BoC, kalimitang idinaraan sa Malaysia ang mga
kargamentong papunta sa Pilipinas sapagkat dito umano nireretoke ang import documents ng mga kargamento.

Ang consignee ng mga hinarang na container vans ay ang kumpanyang Desert Rain Marketing na may tanggapan sa 18 E-C Pearl of the Orient Building sa Roxas Boulevard, Maynila, na kung hindi ako magkakamali, ay nagkaroon na rin ng kasong may kinalaman sa droga noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Ang mga broker na umayos sa import entry at bill of lading ng mga kargamento ng nasabing kumpanya ay itong sina  Elen DV Pasion  at Marcela S. Piamonte. Pawang mga kahon ng sabon at noodles ang deklarasyon sa dokumento ng naturang kargamento.

Mukhang positibo naman ang impormasyong natanggap ng PDEA dahil ayon sa mga sources natin sa loob ng nasabing pantalan, isa sa mga container vans ang pinaselyuhan ng anti-drug agency matapos ang masusing pag-eksamin dito sa pamamagitan ng K-9 sniffers.

Ngayong araw nakatakdang buksan ang sinelyuhang container van na may numerong YMLU2942891 habang ipagpapatuloy pa rin ang pag-eksamin sa iba pa.

Ang iba pang mga eeksamining containers vans ay may taglay na numerong
BMOU2242031; CATU2946435; CAXU3330720; FCIU2278428; FCIU2426891; FCIU4051496; GATU1270205; TGHU0573289 at YMLU2791687.

Pero ang labis na nakapagtataka ay kung bakit pinahintulutan pa ring makalabas noong Huwebes ng gabi mula Port of Manila ang may 16 na container vans na kabilang sa 26 na hinarang ng PDEA?

Balita ko ay hindi pa na-eeksamin ng PDEA ang mga ito nang hayaang makalabas ng Customs police.

O baka naman kinausap na rin ng sindikato sa loob ng pantalan ang grupo ng PDEA na naroon noong gabing iyon?

Abangan n’yo pa ang kasunod!

* * * * * * * *

May makita mang shabu o wala ang PDEA ay dapat pa ring magpaliwanag itong si Atty. Mangaoang kaugnay sa nasabing kargamento.

May natanggap kasi tayong impormasyon na bago pa man daw dumating sa Port of Manila ang dalawang barko ng Yang Ming Marine Transport ay nakahanda na ang X-Ray results ng mga kargamento ng nasabing consignee. Mukhang hindi na maganda ang nangyayari sa Bureau of Customs.

May nakapagsabi na rin sa akin na may pre-formatted na kopya ng x-ray result sa computer o USB ang mga tauhan ng X-Ray Division. Hindi ba’t lalabas lamang dapat mula sa printer ang kopya ng resulta kapag dumaan na sa x-ray ang kargamento?

Kung totoong may mga himalang nangyayari sa X-Ray Division, bakit hindi ito matunugan ng Customs intelligence at ng Customs police? Totoo bang sabwatan ang nangyayari sa loob ng mga pantalan sa buong bansa kung kaya’t hindi masawata ang smuggling kahit ang sangkot dito ay illegal drugs?

Maniniwala ba kayo na maging ang ilang mga matataas na opisyal ng Department of Finance ay kasabwat na rin ng sindikato sa loob ng Bureau of Customs?

Isa ito sa mga dapat tingnan sa lalong madaling panahon ni Pangulong Aquino. At may mga tao ako na kakilala na handang magpaliwanag sa kanya kung paano nagaganap ang nakawan sa BoC at kung paano ito susolusyunan.

* * * * * * * *

Sino itong pulis-Maynila na nagngangalang “Ronald” na halos hindi na yata
natutulog dahil sa ginagawang pag-iikot sa lahat ng “tabakuhan” sa buong Maynila para daw sa kanyang among si General Rongavilla, ang director ng Manila Police District (MPD).

Siya daw kasi ang kolektor ni Gen. Rongavilla kung kaya’t araw man o gabi ay
panay ang ikot nitong si Ronald. Sa totoo lang ay gasgas na gasgas na ang
pangalan ni General Rongavilla sa kababanggit nitong si Ronald sa tuwing iikutan nito ang mga tabakuhan sa Maynila lalo na ang mga vendors, butas ng bookies ng karera ng kabayo at mga putahan diyan sa loob ng Chinatown.

Alam naman kaya ni General Rongavilla ang raket nitong si Ronald? Hindi ba’t
nakakahiya sa isang heneral na may kolektor ng “tong” at namemerhuwisyo ng mga namumuhunan gaya ng mga vendors?

Mayor Fred Lim, paki-sampulan n’yo nga po itong si Ronald!

* * * * * * * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply