3 carnappers nalambat sa Caloocan

TATLONG carnappers, kabilang ang isang binatilyo ang nadakip ng mga tauhan ng PCP-7, Caloocan City Police Station sa follow-up operations sa nasabing lungsod, iniulat kanina.

Ang mga nadakip ay kinilalang sina Rhene Katamura, alyas “Plaster”, 33, ng Green Valley Street, Phase 6, Brgy. 178, Camarin, Caloocan City; Ramonito Villanueva, ng 1 Bulacan street, Brgy. Payatas, Quezon City at isang alyas “Rick-Rick” 17, ng Phase 6, Camarin, Caloocan City.

Ayon kay Chief Insp. Rodrigo Soriano, hepe ng SIDMB, Caloocan City Police Station, ang pagkakadakip sa mga suspek ay base sa reklamo ng mga biktimang sina Florencio Gara, 36, tubong Negros, nakatira sa Little Baguio, Miramonte Heights, Brgy. 180, Caloocan City at Nelson Sacuron, 39, tubong Leyte, ng 4714 Saging Street, San Vicente, Brgy. 178, Camarin, nasabing lungsod.

Base sa report ng pulisya, dakong 1:30, ng madaling-araw kamakalawa nang tangayin ng mga suspek ang Kawasaki Barako 175cc, Motorcycle may plakang, UW-3902 na may sidecar at pag-aari ni Gara, habang nakaparada sa harapan ng kanilang bahay.

Sinasabing hinabol pa ni Gara ang mga suspek ng matanawan nitong pinatatakbo na ang kanyang tricycle, subalit mabilis na nakalayo ang mga salarin.

Kasunod naman na tinangay ng mga suspek ang Kawasaki Barako 175 motorcycle, plakang WZ-2567, may sidecar at pag-aari ni Sacurno na nakaparada rin sa harap ng kanilang bahay sa nasabing address.

Kinabukasan ng umaga ay nakatanggap ng impormasyon si Gara tungkol sa kinaroroonan ng mga suspek at kanyang tricycle kaya mabilis na humingi ng tulong sa PCP-17 na agad nag-responde at nadakip ang carnapers.

Hindi na nabawi ng mga pulis ang mga tricycle ng mga biktima, gayunman, nakumpiska ng mga nag-respondeng pulis ang isang Cal. 38 rev. kay Ramonito Villanueva. Jun Samson

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply