Aquino kinalampag sa epekto ng La Niña

HINDI man sinisisi, kinalampag pa rin ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan si Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa mas malala pang epekto ng pananalasa ng La Niña phenomenon sa bansa matapos makapagtala ng malaking kapinsalaan sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon kay Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, kailangang handa ang Malakanyang sa “worst scenario” na maaaring ihatid ng walang humpay na pag-ulan tulad ng krisis sa industriya ng agrikultura.

Sinabi ni Pangilinan na dapat magsilbing aral sa administrasyon ang inabot ng Southern Leyte, partikular ang 100 porsiyentong pananalanta sa St. Bernard.

Sinalanta din ng ulan ang produktong agrikultura sa Davao at Albay.

“My office has started coordinating with DILG Secretary Jess Robredo and DSWD Secretary Dinky Soliman in helping out our kababayans in Southern Leyte,” aniya.

Plano umano ng mambabatas na mag-survey ukol sa perwisyong dinulot ng mga kalamidad sa mga tanim upang makapagpanukala ng mga batas na makasasagot sa problemang dulot ng kakulangan ng ani.

Nagbabala pa si Pangilinan na nagsisimula pa lamang maramdaman ng bansa ang epekto ng La Niña phenomenon.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa, mas mababa ang bilang ng mga bagyong dumaan sa bansa noong nakaraang taon.

Gayunman, asahan nang mas maraming bagyo ang babayo sa bansa kapag nasa sukdulan ang epekto ng La Niña mula Enero hanggang Marso.

Iniulat ng Department of Agriculture na umabot sa P1.3 milyon ang halaga ng nawalang produksyon ng palay sa loob lamang ng tatlong araw dulot ng patuloy na pag-ulan noong Disyembre 28-31, 201.

“Something must be done right away, and the earlier we come up with these measures, the more we can shield our countrymen from a looming disaster and threat to our food security,” giit ni Pangilinan.

Nakapagtala ng negatibong tantos ng paglago ang Pilipinas sa sektor ng agrikultura (-2,62%) mula Enero hanggang Setyembre 2010, sa harap ng 6.5% paglago ng ekonomiya sa pangkalahatan. Iniulat ng DA na nagkaroon ng negatibong paglago sanhi ng tagtuyot.

“Kasisimula pa lamang ng taon ngunit malaki na kaagad ang naidulot na pinsala at kahirapan sa ating mga kababayan ang mga baha at walang tigil na pag-ulan. Ang kinababahala ko ay ang mas malaki pang pahirap sa kabuhayan ng ating mga magsasaka kapag nagpatuloy pa ang serye ng tag-ulan at tagtuyot,” pagtatapos ng mambabatas. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply