Aquino, nangako ng dagdag na benepisyo sa mga sundalo

BUKOD sa dobleng “combat pay,” may iba pang benepisyong inihahanda ang pamahalaan para sa mga sundalo.

Nangako si Pangulong Benigno Aquino III na pipilitin niyang makahanap ng pondo upang madagdagan ang benepisyo ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines.

Ito ang ipinahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa turnover ceremony ng liderato ng Philippine Navy leadership nitong Martes kung saan pormal nang pinalitan ni Rear Admiral Alexander Pama ang nagretirong si Rear Admiral Danilo Cortez.

Simula Enero 2011, ang dating P240 kada araw na combat pay ay magiging P500 na.

Ayon kay Aquino, tinitingnan niya ang mga benepisyong pangkalusugan, pabahay at iba pang pangangailangan para mapataas ang moral ng mga sundalo.

“Pero kung may paraan naman po tayong dagdagan ang inyong benepisyo, bakit naman po namin ito ipagdadamot sa inyo, hindi po ba? At tuloy-tuloy na po ito. Mula sa armas, hanggang sa mga barko; mula sa mga benepisyong pangkalusugan, hanggang sa mga pabahay, titiyakin nating makakatanggap ng sapat na pabuya at sustento ang ating hukbong-dagat,” aniya.

Sa parehong talumpati, pinuri ni Pangulong Aquino si Cortez habang ipinaabot nito ang pagtitiwala kay Pama na mapamunuan ang Navy.
Nangako rin ito ng buong suporta sa bagong liderato ng Hukbong Pandagat. Kris Jose

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply