Babaing drayber, baklang tsuper

DESPERADO na talaga itong Metro Manila Development Authority na makahanap ng solusyon sa mga aksidente at siksikang trapiko sa lansangan, lahat e handa nitong subukan.

Isa sa mga gustong mangyari ng bagong bosing ng MMDA na si Kiko Tolentino e palitan ang kalahati ng mga lalaking bus drivers ng mga babae. Mas maingat kasi, disiplinado at masunurin umano sa batas ang mga babaeng nagmamaneho. At saka mas maganda silang tingnan kadalasan.

Hirit naman ng mga bading, magaling din silang tsuper. Bakit nga naman hindi sila subuan, este,subukan? Ang siste nga lang, wala namang batas na nagbabawal sa kahit sino – lalaki, babae, tomboy o bading – na maging tagamaneho.

Wala naman akong reklamo sa plano ni Tolentino. Panahon nang magkaroon ng babaeng tsuper ng bus sa mga lansangan sa Pinas. Pantay na oportunidad ito sa hanapbuhay.

Saka wala naman akong magagawa kahit tumutol, tumatanggap na ang MMDA ng mga aplikanteng babae bilang bus driver.

Hindi lang ako mapakali. Hindi ko kasi matanggap na ito ang solusyon sa problema sa trapiko at aksidente. Parang sexist ang katwirang ito at discriminatory, ’ika nga, sa kalalakihan.

Oo nga’t ipinaglalaban ngayon ng kababaihan ang pagkakapantay-pantay sa maraming larangan, palagay ko’y hindi nila sasabihin nang walang kakurap-kurap na mas magaling sila kesa kalalakihan pagdating sa pagmamaneho.

Ang aksidente at pagkakabuhul-buhol ng trapiko e maraming dahilan pero hindi kasama rito ang kasarian ng nagmamaneho. Walang matinong pulis o traffic enforcer ang magsasabing naganap ang isang aksidente dahil babae o lalaki ang nagmamaneho.

Magkakaroon pa rin ng aksidente sa kalsada babae man o lalaki ang nasa likod ng manibela, lalo na’t makikitid ang ating kalsada, overworked at underpaid ang mga drayber, nangongotong ang mga pulis at traffic enforcer, hindi naipatutupad nang maayos ang batas trapiko, walang disiplina ang mga pedestrian at nagkalat ang riding in tandem.

Ang mga problemang nabanggit ang dapat pagtuunan ng MMDA. Pero hindi rin naman nito dapat itigil ang planong paglalagay ng mga babaeng drayber. Tamang aksyon ito sa maling dahilan.

Ang tamang dahilan, gaya nga ng nasabi ko na, e para bigyan ng patas na pagkakataon sa trabaho ang lahat.

Ang problema lang e saan dadalhin ng MMDA ang mga matatanggal na lalaking tsuper? Hindi naman sila siguro magmumungkahi ng dagdag na mga bus dahil ngayon pa lang e sobrang dami na nito. At mapipilit ba ng MMDA ang mga bus operators na kunin ang mga babaeng sinanay nila?

May pinanghahawakan mang datos ang MMDA na nagsasabing mas magaling na driver ang babae kesa lalaki, hindi pa ito mapatutunayan sa larangan ng pagmamaneho ng bus dahil halos lahat ng bus driver ngayon ay mga lalaki.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply