Bacalzo, igigisa na sa Senado

Inihayag ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na ipinadala na kay PNP chief Director General Raul Bacalzo ang subpoena upang humarap sa isasagawang imbestigasyon hinggil sa serye ng brutal na karnaping sa bansa  na bukod sa pagpaslang, sinusunog pa ang biktima.

Sa panayam kahapon, sinabi ni Honasan, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs, na napapanahon ang imbestigasyon upang alamin kung may kapabayaan ang pulisya sa paglaganap na carnapping sa bansa.

Kasabay nito, inihayag ni Sen. Alan Peter Cayetano na tila sinusubukan ng sindikatong kriminal ang kapabilidad at kakayahan ng liderato ni Pangulong Benigno Aquino III kaya’t sa halip na humupa, mas lalo pang lumaganap ang carnapping.

“Mahalagang matukoy kung ano ang dapat ayusin sa sistema nang pagpapatupad sa seguridad ng mamamayan at dapat na malaman kung nasaan ang problema, sa law enforcers ba o sa mismong batas na umiiral,” giit ni Honasan.

“Hindi lamang sa isyu ng carnaping nakasentro ang imbestigasyon  kundi maging sa pagkakasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang krimen,” paglilinaw ni Honasan saka inihayag na sisimulan ang imbestigasyon sa Enero 26, Miyerkuoles.

Batay naman sa pananaw ni Cayetano, tila sinusubukan ng sindikatong kriminal ang liderato ni Pangulong Aquino dahil sa halip na humupa ang insidente matapos kumalat sa media, mas lalo pang lumala.

“Makikita natin na usually ay naglalay-low kapag mainit na lalo na kapag marami ng media report.Pero ngayon, imbes na maglay-low, halatang sinusubukan ang leadership. Kaya nga ang aking suggestion o payo ay maging decisive ang leadership at magkaroon kaagad ng deterrent. Ipakita nila na talagang mahuhuli o maso-solve ang crime at sabayan din nila ng prevention.,” giit ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na dapat masinop na minamanmanan ng awtoridad ang lugar na kung saan maraming insidente ng nakawan o krimen na siyang pinakamahusay na pamamaraan upang masugpo ang carnaping.

Dapat din umanong masugid na binabantayan ng awtoridad ang sinumang sangkot sa krimen na kapag nakapag-piyansa, umuulit sa paggawa ng krimen na siyang panibagong problemang uusbong sa paglaya ng mga suspek. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply