Bagong putaheng di maibigay ng iba

MAY natatandaan akong isang quotation sa Ingles na hindi ko maintindihan noong unang beses ko itong nabasa: “Everything has changes, yet nothing has changed.”

“Ano kaya ‘yun?” natatawa-tawa kong tanong sa sarili. “Parang tanga naman ang nagsulat nito.”

May mga katotohanan talagang tila kasinungalingan sa una, pero (marahil ay makalipas ang ilang panahon) ay matutunan mo sa pamamagitan ng sariling pagraranas na totoo pala.

Tulad ng nabanggit kong quotation sa itaas.

Ito kasi ang nararanasan ko ngayon na simulang ipinatutupad ng ating kompanyang Remate News Central ang isang pagbabagong pinaniniwalaang lalo pang magpapaepektibo ng ating paglilingkod sa ating mga mambabasa.

Kasi naman, sabi nga ng editor in chief ng Remate Tonight na si G. Joe Torres sa kanyang kolum kahapon, magiging two-in-one na ang Remate—ang tried and tested na formula ng Remate na dinagdagan ng matapang at mapanuring perspektiba ng Remate Tonight.

At ito ay kung pag-uusapan lamang ay ang printed newspaper. May online news site din kasi tayo, ang www.remate.ph, na ating pinalalakas upang makapaghatid ng balita ng mabilis at komprehensibo sa pinakamalawak na sakop.

Internet na kasi ang usapan dito, buong mundo na.

Balikan natin maya-maya ang news site na tinutukoy natin. Pag-usapan muna natin ang dyaryo.

Nakita ng mga bostsip natin—partikular sina G. Benny Antiporda, G. Rey Briones at G. Torres—na kailangang umangat ang Remate sa mga kalabang tabloid. Kailangan ay may i-offer itong hindi ibinibigay ng iba.

Dito naisip ang pagdaragdag ng apat pang pahina sa dating 12-pahinang Remate. Sulit na sulit sa balita at analisis ng mga pangyayari sa ating paligid. Mga kaalamang kailangan nating malaman upang mas kumpiyansa tayong sumuong sa ating pang-araw-araw na buhay.

Ang isa pang “plus” na ibibigay ng pinaganda at pinatapang na Remate ay ang mga dagdag na seksyon: ang Remate Expose, Entertainment Plus (na hahawakan ng kasama natin sa Remate Tonight na si Bb. Evelyn Diao, at dagdag na pahina ng komentaryo.

Tumutok tayo sa seksyong Remate Expose (dahil ang inyong lingkod po ang hahawak nito). Ang buong konsepto nito ay magpalabas ng mga artikulong bubulabog sa mga nakaupo sa pamahalaan, mga negosyanteng naaabuso ang ibang kasapi ng komunidad at mga personaheng may responsibilidad sana sa lipunan ngunit nakakaligtaan ito o kaya ay sadyang inuuna ang kanilang pansariling interes.

Dapat nga yata ay pinangalanan ang seksyon na ito ng “Bulabog,” dahil ito talaga ang pinakapuso ng intensyon nito.

Nais ng Remate Expose na makasama kayo sa pagkalampag sa mga dapat kalampagin. Kaya’t inaanyayahan namin kayo, mga mahal naming mambabasa, na magsumbong ng mga katiwalian at pang-aabuso ng mga personaheng nabanggit natin sa itaas.

Ang kainaman nito ay may online news site tayo na magtitiyak na malawakan at milyun-milyong mambabasa sa loob at labas ng bansa ang makakabasa ng mga kalokohan nila.

Hindi tayo dapat magpakontrol sa mga abusadong nasa kapangyarihan. Kaya nga “Out of Control” ang pangalan ng kolum na ito eh.-Fort Nicolas

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply