Bagong simula

HINDI po kami magpapaalam. Hindi po mawawala ang Remate Tonight. Muli lang po tayong magsisimula. Papalakasin lang po natin ang ating pahayagan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng ating mga lakas.

Simula Pebrero 1, magsasama na ang mga puwersa ng Remate Tonight at ang “pahayagan ng masa” na Remate. Simula rin po sa Martes, maaasahan n’yo ang mas malawak at mas malakas na “coverage” ng ating website na remate.ph.

Kumbaga sa mag-syota, nagdesisyon tayong lalong paigtingin ang ating pagsasama para maitatag ang isang mas matibay na pamilya upang makapaglingkod ng mas mahusay sa sambayanang Filipino.

Kasama ang mga beteranong mamamahayag ng Remate, sasabak ang mga photographer at reporter ng Remate Tonight sa mas masusing pag-iimbestiga ng mga katiwalian sa lipunan, korapsyon ng mga tao sa pamahalaan at pang-aabuso ng mga makapangyarihan.

Wala tayong sasantuhin, wala tayong sisinuhin. Hindi po tayo mag-aatubiling ilantad ang mga karumaldumal na mga pangyayari sa ating paligid.

Hindi po natin papabayaan na patuloy na magiging dehado ang mga walang kapangyarihan sa ating lipunan. Patuloy po nating ilalabas ang mga balita na may “bias” para sa mga inaapi at inaapakan.

Tangkilikin po natin ang mas makapal na pahayagang Remate kung saan makikita ang mga kwento at larawan na kuha ng mga kasama natin sa Remate Tonight. Bisitahin din po natin ang remate.ph kung saan masusundan ninyo oras-oras ang mga pangyayaring nagaganap at magaganap pa sa inyong paligid at sa mundo.

Hindi po tayo nagpapaalam kasi di naman po tayo aalis. Ang Remate Tonight ay inyo pa ring matutunghayan sa gitna ng pahayagang Remate. Kumbaga, panalo kayo, dear readers, kasi sa halagang sampung piso, dalawang dyaryo ang inyong mabibili.

Ginawa po natin ito dahil naiintindihan natin ang hamon na hinaharap nati sa ating panahon. Tumataas ang presyo ng mga bilihin, ang presyo ng gasolina at ang pamasahe sa jeep, bus, taxi at tren. Ayaw po nating makadagdag sa bigat ng inyong mga pasanin. Gusto po nating patuloy ninyong mababasa ang ating mga pahayagan sa halagang hindi mabigat sa inyong bulsa.

At gusto rin po nating makakasama kayo sa pagsusulong ng isang responsable at malayang pamamahayag dito sa ating bansa. Inaanyayahan po natin ang ating mga mambabasa na magpadala ng kanilang mga suhestiyon (at reklamo) para sa ikakaunlad ng ating pamamahayag.

(Makikita n’yo po ang ating mga contact numbers sa pahina 4 ng isyung ito at ang ating email address sa remate.ph.)

Ipinapaabot din po natin ang ating pasasalamat sa mga taong nasa likod ng pagpapalakas ng ating pahayagan at website – si Ginoong Benny Antiporda at Rey Briones – at sa ating mga kolumnista na hindi nagsasawang magsulat (kahit walang bayad) para mabigyan ng linaw ang mga isyu na alam nating gumugulo sa isipan ng publiko.

Maraming salamat sa ating mga reporter at photographer na walang sawang naghahagilap ng mga kwento at larawan sa gitna ng init, ulan, baha, bagyo at terorismo upang maihatid lang ang impormasyon sa sambayanang Pilipino.

At maraming salamat sa mga taong tumatangkilik sa atin, lalo na yong mga masusugid na bumibili at naghahanap ng kopya ng ating pahayagan, lalo na sa mga maralitang komunidad sa Kalakhang Maynila. Salamat na rin sa mga tao na nakikibasa lang sa kanto, sa barberya, sa bilihan ng yosi at sa mga opisina ng mga NGO.

Tuloy-tuloy pa rin tayo. Tuloy-tuloy pa rin ang ating paglilingkod. Tuloy-tuloy pa rin ang pakikibaka natin para sa isang malaya at masaganang pamayanan na dapat pinaghaharian ng pagkakapantay-pantay at hustisya, isang lipunan na walang mamamahayag na tinatakot at pinapatay dahil sa pagpapahayag ng katotohanan.- Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply