Banyagang artists lilimitahan sa Pilipinas

LUMITAW na naman ang panukala na lalagyan ng limitasyon ang bilang ng mga foreign artists na lalabas sa mga musical concerts dito sa bansa na ang mga producers ay kapwa natin Pilipino.

Eh, kung maglagay din kaya ng limitasyon sa ibang bansa, katulad ng USA kontra sa mga sarili natin mang-aawit? Maraming artista natin ang umusbong ang buhay at nakilala dahil sa kanilang singing engagements sa US at sa iba pang bansa.

‘Yong mga pumapabor sa nasabing limitasyon, naiintindihan kaya nila ang kanilang sinasabi? Hindi naman sa takot tayo, ngunit tinitingnan lang natin ang sarili nating kapakanan. Ang bagay na ito ay kabit sa international relations at globalization, na ang Pilipinas ay pumirma sa kasunduan na ito.

For the sake of argument, ilang foreign artists lang ang tatanggapin natin sa isang taon? Sino ang magbibigay ng desisyon, at bakit?

Dahil demokrasya ang bansa natin, free enterprise ang isa sa mga karapatan ng bawat Pilipino at hindi puwedeng lagyan ng limitasyon basta sumusunod ng batas. Entonces, kung kaya ng isang Pilipino ang mag-produce ng isang concert na ang gusto niyang lead artist ay taga-ibang bansa, karapatan niya ‘yon.

Maraming makikinabang na Pinoy dahil mabibigyan sila ng trabaho sa produksyon, maliban pa sa maraming benepisyo.

Katulad din ng mga local productions, may pagkilos kung may magarang special event o concert, ‘yong tinatawag natin na economic movement, may paggastos at mayroon din kumikita! At gumagalaw ng ekonomya!

Kamakailan lang, naipabalita na pabor si Gary V at Ogie Alcasid sa limitasyon ng mga foreign artists na lalabas dito sa Pilipinas.

Iginagalang natin ang kanilang opinion, ngunit mas maganda kung ihayag nila ang kanilang posisyon at kung paano hindi maging biktima ang kanilang sarili at ang mga kapwa nilang mang-aawit na gusto rin kumanta doon sa USA, halimbawa.

Sa maikling pananalita, pinakinabangan din ng husto ni Gary V at Ogie Alcasid ang kanilang mga singing tours sa America at ibang bansa. Ano kaya ang mangyari kung gaganti ang America, maglagay din ng limitasyon, at kasali si Gary V at Ogie Alcasid sa limitasyon? I don’t think any Filipino artist is stupid enough to say, “To hell with the US, it’s enough for me to perform here, only here in my country, the  beautiful Philippines!”

Mag-isip-isip tayong palagi at hindi basta na lang padalus-dalos!

“1@11” CONCERT SOLD-OUT NA SA 100,000 NA KATAO

Tinatayang aabot o sobra pa sa 100,000 ang mga manonood sa “1@11” musical concert na magaganap sa Mall of Asia sa Sabado, January 8 kung saan special performers sila Gary V at Charice (Pempenco).

Ipinahayag ito ni Joel Cruz, may-ari ng pabangong “Aficionado” at prodyuser ng musical concert. Si Gary V at Charice din ang mga bagong endorsers ni Joel Cruz.

“Magandang palatandaan ito,” masayang sinabi ng prodyuser tungkol sa concert, “para sa taong ito.”

Si Gabriel Valenciano, tinatawag na Pure Power at anak ni Gary V ang magbubukas ng concert. Katatapos lang ng Gary V ng 22 major local and foreign performances kasama si Martin Nievera. Si Charice naman ang tinatawag na “phenomenon” sa larangan ng showbiz, o international singing sensation.

Bilang endorser ng Aficionado, ipinangalan kay Charice ang tatlong pabango, na isa ito ay ang Charice Perfume for Women, at kay Gary V naman ang Gary Valenciano for Aficionado.

Huwag kalimutan ang “1@11.” Nardz Belen

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply