Bastus!

DISENTE ako, sobrang konserbatibo, ‘ika nga nila. Dati.

Hindi raw ako makabasag-pinggan, datapuwa’t hindi naman pumipilantik ang mga daliri. Hindi mo ako mahuhuling magmumura; lalo nang hindi ka makaririnig sa akin ng mga salitang nagrerepresenta ng maseselang bahagi ng katawan.

Nagbinata ako noong 1980s, isang panahong kung ikukumpara ngayon ay disente pa. Patago kung tumingin kami sa poster ng naka-bikining si Gretchen Barretto na naka-display sa kalapit na sari-sari store.

“Sex trip” o ST ang tawag noon sa mga paseksing pelikulang kinatampukan nina Gretchen Barretto, Rita Avila at iba pa. Pero ngayon, karaniwan na ang mga “nakagigising” na tagpo ng ST movies sa mga teleserye ng primetime television.

Ni hindi namin binabanggit ang terminong “ST” sa harapan ng mga matatanda ng kapilya namin dahil tiyak na isusumbong kami sa aming mga magulang at maaari pang matawag na “bastos” o “imoral.”

Oo, disente ako… dati. Hindi naman ako naging garapal na garapal na. Natutunan kong maging isang, ‘ika nga ng isang awiting sumikat noong huling bahagi ng 1990s, “maginoo pero medyo bastos.”

Na-encourage ako na medyo maging liberal at bukas ang isip sa mga kwentuhang sekswal dahil kay Joe Torres.

Mahigit sampung taon na kaming magkakilala, simula nang magkasama kami sa isang lingguhang news magazine na may pangalang The Sunday Paper.

Nagkasama uli kami dalawang taon na halos ang nakararaan sa online newspaper na Frontline at dito sa Remate Tonight.

Dahil magkakabarkada naman ang mga staff members ng diyaryo, hindi na ini-edit ni Joe ang mga salitang ginagamit niya sa kanyang mga kwento.

Dahil “for adults only” ang karaniwan niyang kwento, at dahil sa ang prinsipyo niya ay ang pinaka-appropriate na mga salita ang dapat niyang gamitin upang maging epektibo ang kanyang story-telling, gumagamit siya ng mga salitang maaaring ilarawan ng mga manong at manang ng kapilya namin na “bastos” at “imoral.”

Napansin ko na kahit ganoon siya, hindi naman bumaba masyado ang mataas na pagtingin sa kanya ng kanyang mga kasamahan. Nagulat ako nang madiskubre kong ganoon din ang gawi ng karamihan sa grupo (maliban siguro kay D’Jay, na nadudulas din naman minsan).

Naisip ko, siguro okey lang na kahit paminsan-minsan ay magbastos-bastos na rin ako sa pagkukwento.

Kahit ginagawa ko na ito paminsan-minsan, hindi pa rin daw bagay sa akin, sabi ni Bine. Pero hindi na ako babalik sa dating sobrang pagiging disente at konserbatibo. Bakit ‘ka n’yo?

Kasi mapagpalaya pala ang maging bastos. Ayoko nang hiya-hiyang bumulong ng mga ukol sa sekswalidad. Hindi ko rin naman ipagsisigawan ito (alam kong, tulad ng ibang bagay, may mga binabagayan itong audience).

Na-realize ko na ang buhay ay maraming aspeto, at isa sa pinakamahalaga ay ang sekswalidad. Kalokohang itanggi ito. Dapat lamang ay malusog ang pagtingin natin dito.

Ayoko nang maging sobrang konserbatibong tila out of touch sa tunay na buhay.

Ano ako, simbahang Katoliko? Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply