Bea Alonzo, tanggap ng pamilya ni Zanjoe Marudo

ALAM na sa apat na sulok ng lipunang Filipino at sa partikular, sa apat na sulok ng showbiz na magkasintahan na ang dalawa sa mga pinakamaiinit na bituin sa pelikula at telebisyon na sina Zanjoe Marudo at Bea Alonzo.

Mismong mga kababayan ni Zanjoe sa Calauag, Quezon ang nagbisto na ang dalawa na nga ni Bea ang magkatipan at tuluyan nang iniwan ni Alonzo si Gerald Anderson dahil kung makikibahagi nga naman ang aktres sa ugnayang Kim Chiu at Gerald ay magugulo ang mga kaayusan.

Heto nga at si Jason Abalos ay puspusan pa rin ang pakikipag-ugnayan kay Kim pero nasa bingit at balag pa nang alanganin ang pamimintuho ng aktor pero pasasaan ba’t mapupunta rin sa dapat kalagyan ang lahat.

Samantala’y kulay rosas ang paligid nina Marudo at Alonzo dahil pagkatapos na walang maging boyfriend nang matagalan si Bea ay inaasahang magtatagal ang relasyon nila ni Zanjoe.

Ito ay sa kabila ng katotohanang may lumalabas pa ring mga istoryang mamatay-matay at halos malaglag ang panty ni Alonzo kay Robin Padilla na misis naman ngayon ni Mariel Rodriguez na minsang nakaladkad ang pangalan kay Marudo.

***

Parehong binata’t dalaga, botong-boto ang mga Marudo kay Alonzo at bukod sa magkakasundo ang lahat ay kapwa malalaki ang bulas ng dalawa na bagay na bagay magkasama.

Kulang na lang ay mamanhikan ang mga Marudo sa mga Alonzo pero marami pa ngang kakaning bigas at patutunayan sa negosyo at larangan ng showbiz sina Zanjoe at Bea kaya kailangang tutukan muna ang kani-kanilang mga karera bago ang pag-aasawa.

Bastat maromansa naman ang kanilang pagsasama ay sapat na rin para maging inspirasyon ang isa’t isa.

Maaari ring abangan na magkasama sa isang TV show na magkatambal o kaya’y sa pelikula na magkapareha sina Bea at Zanjoe.

Ang daming naiinggit kay Alonzo dahil nasa kanya ngayong piling ang mahu-macho at pinagnanasaan, hindi lang ng mga kabaklaan kundi ng mga kababaihan mandin na si Zanjoe.

***

Magre-renew na ng kontrata si Jason kasama ang kanyang ka-love team bilang image models ng Cotton Club na si Ria Garcia ngayong taong ito, ayon na rin sa marketing manager ng kumpanya na si Joel Capulong.

Malaki ang sampalataya ng korporasyon kina Abalos at Ria dahil na rin sa malawak na merkado ng dalawa, lalo na ngayon si Jason na malakas na malakas sa masa at sa malawakang madla, ang mga programa sa telebisyon.

Nasa Paete, Laguna naman ngayong mga sandaling ito si Garcia para magpatuloy ng pag-aaral ng arnis, ang likas na Filipinong martial art.

Para saan ang pag-iensayo ni Ria ng arnis?

Para sa pagdedepensa ba ito sa mga lalaking nais makaisa sa kanya?

“Naku, mahilig na talaga si Ria sa ganyan na martial arts. At saka, self-defense ang gusto niya sa ganyan,” wika ni Puloy Cadayona, ang ina ng batang aktres na nakilala sa maraming obra kabilang ang pagiging leading lady nina mark Gil at Ronnie Lazaro sa “Ishmael” ni direktor Richard Somes para sa 2010 Cinema One Originals Fuilm Festival.

***

Pero may mga bago nang musa at konsorte ang apparel image models sa katauhan nina Arran Paul Sese at Jessa Mae na nagwagi sa Mr. & Ms. Cotton Club.

May ibubuga ang dalawang nanalo sa timpalak at tiyak na makikipagtunggali kina Ria at Jason pero inilinaw ni Joel na mananatiling sina Garcia at Abalos ang reyna at hari ng kahariang ‘yon.

Taga-Viva Entertainment din pala si Arran Paul tulad ni Ria.

Pero gaano katotoo na pag may naghahanap o may nag-aalok ng kung anuman kay Arran Paul ay ang tipikal na “talk to my manager” ang kanyang isinasagot?

Tama rin naman ‘yon sa isang propesyunal na may naghahawak maliban na lang kung may tono ito ng false pride o malasadong pagmamalaki o pagyayabang dahil kailangan din naman ang pagyayabang sa tamang kinalalagyan. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply