Biktima ng ulan, baha at landslide ang unahin hindi ang Cha-cha

MAGANDANG pilipitin ang leeg ng mga kongresman upang ibaling ang kanilang mga mata at atensyon sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng mamamayan at hindi sa pulitika.

Heto ang mga malalaking problema at pangangailangan sa buhay ni Juan, Suki.

May panibagong babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ukol sa masamang panahon.

Sa halip na huhupa ang ulan, baha at landslide, lalo umanong magaganap ang mga ito lalo na sa Kabikulan, Kabisayaan at Kamindanaoan.

Sasagasaan nito ang nasa 11 na rehiyon at milyon-milyong katao ang matatamaan.

Magandang pakinggan natin ang PAGASA  at ang gagawin natin ay ang makinig at maghanda ayon sa mga babala ng ahensiya.

Sinasabi ng National Disaster Risk Reduction Management Council, parami nang parami ang bilang ng mga namamatay at nawawala at palaki nang palaki rin ang bilang ng mga napipinsala.

May 72 nang namatay habang hindi pa natatagpuan ang mga nawawalang 23.

Karamihan sa mga namatay ang biktima ng lunod.

Umaabot sa halos dalawang milyong katao ang natatamaan ng masamang panahon habang kulang-kulang na sa P2 bilyon ang nasisirang mga ari-arian at hanapbuhay ni Juan.

oOo

Habang nasasalanta ang buhay ng marami, abalang-abala naman ang maraming miyembro ng Kamara sa pag-iisip ukol sa Charter Change para mabago na umano ang buhay ni Juan.

Isa sa mga target ng Chacha ang pagpapahintulot sa mga dayuhan na umangkin nang buo sa mga lupain na gusto nilang angkinin at pagbubukas ng buong Pilipinas para sa kanilang negosyo sa likas na yaman o minahan.

Tanong natin sa mga onorabol chacha: masosolb ba ng pagpasok at pag-angkin ng mga dayuhan sa mga lupain at likas na yaman ni Juan ang mga problema sa ulan, baha at lanislayd?

Ang nakikita lang natin na makikinabang, Suki, ay ang mga onorabol chacha na tiyak na magiging kasosyo ng mga dayuhan sa pang-aagaw ng mga lupain at lalong pagkalbo sa mga kagubatan at iba pa.

Kapag nangyari ang lahat ng ito dahil sa chacha, hindi ba lalong masisira ang kalikasan na lilikha ng abnormal na ulan, baha at lanislayd na lalong ikasisira ng buhay ni Juan?

Isa pa, hindi kaya darami ang iskuwater sa sarili nating bayan?

BOMBA SA BUS

Habang tinitipa natin ito, may pinasabog namang bomba sa loob ng isang pampasaherong bus sa isang bahagi ng Epifanio de los Santos Avenue sa  Makati City.

Namatay rito ang dalawa samantalang nasugatan naman ang nasa 17 katao, kabilang na ang isa na pinutulan na ng paa sa ospital.

Inilagay sa gitna ng bus ang bomba at doon na sumabog.

Parang sinadyang gawin ito upang marami ang mapipinsala.

Sino-sino ang mga may gawa nito? Mga terorista? Mga pulitiko na nais maghasik ng lagim sa sinasabing mahinang gobyerno ni PNoy? Mga sundalo o pulis na nais magkudeta?

Ipauubaya natin, Suki, sa mga kinauukulan ang pagkilala sa mga may gawa ng krimen.

O baka naman may problemang mekanikal at elektrikal ang bus na dahilan ng pagsabog.

What’s happening to our country, PNoy?

What’s happening?

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply