Brillante Mendoza, may bagong pelikula kasama si Coco Martin at French actress

KAHIT anong oras sa mga sandaling ito ay magsu-shooting na si Brillante Mendoza ng kanyang panibagong obra na tungkol naman sa digmaan sa Mindanao at ang pagdukot ng mga Abu Sayyaf sa mga turista at kapwa Filipino.

Puspusan na ang production meeting ng Centerstage Productions para sa “Prey,” ang panggolpe-de-gulat na pelikula ng 2009 Palm d’Or Cannes International Film Festival Best Director.

May nakalaan nga kaming reunion at sosyalan ng scriptwriter nito na si Boots Agbayani-Pastor kamakailan kasama ang kaklase namin sa scriptwriting class kay Ricky Lee na si Lynda Casimiro, ang award-winning screenwriter ng “Lola” ni Brillante pero hindi nga natuloy dahil inabot ng magdamagan ang balitaktakan ng direktor at mandudulang pampelikula sa hardin ni Mendoza sa Mandaluyong City.

***

Kahit anong oras ay ipinatatawag ni Mendoza si Boots na lalo pang nabigyan ng magandang pagkakataon sa internasyunal na larangan ng paggawa ng pelikula dahil si Dante Mendoza rin ang nagbigay ng break kay Agbayani-Pastor sa pelikulang “Masahista,” “Kaleldo” at Serbis.”

Masusi ang preparasyon ni Dante sa kanyang pelikula dahil nag-aabang ang buong mundo sa kanyang kasunod na obra maestra kaya kahit halos isang taon siyang walang trabaho ay okey lang bastat nakatuon sa mabusising paghahanda sa “Prey.”

Biruin mo nga namang ang international at French actress na si Isabelle Huppert ang isa sa kanyang mga bida at talagang pangunahing aktres sa produksyon.

Premyado si Isabelle sa pagganap sa pelikula at kilalang-kilala siya hindi lang sa buong Europa kundi sa buong daigdig kabilang sa Asya dahil sa kanyang mga nagawang pelikula lalo na ang “The Piano Teacher” kung saan nanalo siya ng napakaraming parangal sa iba’t ibang international film festival.

Si Huppert din ang tagapangulo ng jury sa 2009 Cannes kung saan nagwaging Pinakamahusay na Direktor si Mendoza para sa “Kinatay (The Execution of P).”

Pero sa totoo lang, hindi lang ngayon nakaapak si Isabelle sa Pilipinas dahil ayon sa aktres ay nakadalawa na siyang dalaw sa Pilipinas lalo na sa Cordillera na paborito niyang puntahan.

Makakasama ni Huppert sa “Prey” si Coco Martin na tiyak na lalo pang tataas ang popularidad sa telebisyon at sine sa bansa pagkatapos makasama ang isang bantog na alagad ng sining sa uniberso.

***

Ayon kay Edwin Guiquin, makakasama ang kanyang alagang si Harold Montano sa pelikula at ayon rin kay Dennis Adobas, ang mga talents niyang sina Chanel Latorre at Kristofer King ay mahahalaga ang papel na gagampanan sa pelikula ni Mendoza.

Makakasama rin sa obra ang isa sa mga artista ni Dante na si Raymond Nullan.

Kahit nga si Maria Isabel Lopez ay nagbabalita na siya ay kasama sa importanteng pelikulang ito ni Brillante.

Malaki ang production budget ng pelikula kaya naman masasaya ang mga kasama sa produksyon.

Marami ang nangangarap na makabahagi at makibahagi sa proyektong ito kabilang ang kapatid ni Raymond Bagatsing na si Kino Bagatsing.

Alam ba ninyong nagbalik na sa Pilipinas si Raymond pagkatapos niyang magpakasal sa dating peryodistang pampelikulang si Cora Pastrana na dati ring miyembro ng Famas nina Junne Quintana, Domingo Landicho, Art Tapalla, Vir Mateo, Dennis Aguilar at iba pa?

Nagti-taping na si Bagatsing sa mga telenovela ng mga lokal na telebisyon. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply