Bukod sa mabilis na tren, bagong coaches hirit vs fare hike sa MRT, LRT

INIHIRIT ni Sen. Ralph Recto sa pamunuan ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit na magdagdag ng bagong couches upang hindi parang sardinas na nagsisiksikan ang milyun-milyong pasahero kada araw.

Ginawa ni Recto ang reaksyon kasunod nang pag-apruba ng administrasyong Aquino sa bagong rates ng pasahe sa Metro Manila train lines na magsisimula na sa Marso 1.

Ayon kay Recto, chairman ng Senate committee on ways and means, kailangan magkaroon ng diskuwento hindi lamang ang señior citizens kundi maging ang mga estudyante.

“Apart from the law-mandated discount that must be bestowed to senior citizens, the MRT-LRT operators should extend fare discount to students who make up a significant part of the daily ridership,” wika ni Recto.

Kaugnay nito, tinutulan ng senador ang balak ng pamunuan ng MRT at LRT na pabilisin ang andar sa mga Metro Manila train lines bilang bahagi ng kanilang pag-upgrade sa serbisyo sa pasahero.

“The solution is to add more coaches not to hyperventilate the train’s speedometer,” sabi ni Recto.

Hindi maaaring isakripisyo ang kaligtasan ng commuters sa pagnanais ng pamunuan ng MRT at LRT na mapabilis ang kanilang biyahe para mas maraming pasaherong mapagsisilbihan.

Sinabi pa ng mambabatas na tiyak may epekto ang plano ng MRT at LRT lalo na’t ang riles at ang mismong kabuuan ng istraktura ng train ay hindi nakadisenyo para sa mas mabilis na takbo ng tren.

Matatandaang inihayag ng MRT at LRT na mula sa 40 kilometers per hour, gagawin itong 60 kilometers per hour ang takbo ng kanilang mga tren para makaikot nang mas maraming beses.

Bukod sa dagdag na couches, hinikayat din ni Recto ang gobyerno na magkaroon ng regular na “fare holidays” tuwing sasapit ang national holidays bilang paraan ng kanilang pasasalamat sa tulong ng commuters para kumita ang train systems sa Kalakhang Maynila.

Sa unang araw ng Marso target ipatupad ng pamunuan ng MRT at LRT ang inirekomendang P11 basic fare sa MRT, LRT Line 1 at 2, at dagdag na P1 sa bawat isang kilometro.

Sa bagong fare matrix, magiging P28 na ang dating P15 pasahe sa MRT mula sa Taft Ave. hanggang North Ave. Station habang ang LRT Line 1 mula Baclaran hanggang Roosevelt ay magiging P30 na mula sa dating P20 habang P25 na ang dating P15 na pasahe sa LRT Line 2 mula Santolan hanggang Recto.

Kapag ipinatupad ang bagong pasahe, ibebenta na ang mga single journey tickets sa mga presyong P15, P20, at P30.  Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply