Cha-cha na naman?

PANAHON pa ni Presidente Ramos ay tinangka nang palitan ang ating Konstitusyon.  Ang organisasyong Pirma ay kumuha ng lagda sa ilalim ng People’s Initiative.  Si Estrada naman ay nagpakulo ng Constitutional Correction for Development o CONCORD at si PGMA ay nagbuo ng Consultative Commission na naghain ng borador ng bagong Konstitusyon sa layuning isulong ang cha-cha.

Lahat ng pagtatangkang isulong ang cha-cha ay nabigo sa harap ng malawak na protesta at mainit na debate.

Ngayon, muling binubuhay ang patay at ang mga mahilig mag-cha-cha ay gusto na namang buksan ang usapin.

Dalawa ang mayor na argumento ng mga nagsusulong ng cha-cha.  Una, kailangan daw palitan  ng sistemang parlamentaryo ang kasalukuyang sistemang presidensyal para mapabilis ang paggawa ng batas at polisiya at maalis ang mga sagabal sa takbo ng pamamahala. Kaya daw di maunlad ang Pilipinas ay dahil sa presidensyal na porma ng pamamahala.

Pangalawa, kailangan daw ang cha-cha para alisin ang mga probisyon na balakid sa pag-unlad ng ating ekonomiya.  Gusto nila na alisin ang mga probisyon ng kasalukuyang Konstitusyon na naglilimita sa mga dayuhan na mag-ari ng mga korporasyon at lupa  sa ating bayan. Sa ilalim ng kanilang panukala, papayagan ang lubos na pag-aari ng mga dayuhan sa ating mga korporasyon at mga kalupaan.

Pinapalagay ng mga nagsusulong ng cha-cha na ang ugat ng problema ng pamamahala ay ang porma nito at hindi ang usapin na matagal nang pinamunuan  ng mga mayayamang elitista ang ating gobyerno at kung paano namamahala ang mga ito .

Sa tingin nila, kung papalitan ang porma ng Konstitusyon, mawawala ang talamak na kurapsyong nakadikit  na parang kalawang sa sistema ng ating gobyerno sa matagal na pabahon.

Sa mga nagsusulong ng cha-cha, walang makasagot sa mga tanong na mahalaga para sa nakararaming mahihirap.  Kung babaguhin ang porma ng gobyerno, mapapadali kaya ang pagpapasa ng mga batas na magdadagdag ng sahod sa mga manggagawa, magbibigay ng lupa sa mga magsasaka, magpapababa sa presyo ng langis, mga bilihin, pamasahe, matrikula, singil sa kuryente at tubig?  Magiging abot-kamay kaya ang bahay para sa mga walang bahay at makakapagpagamot kaya ng libre ang mga mahihirap?

Sa pag-alis ng limitasyon sa pag-aari ng mga dayuhan sa mga korporasyon, di kaya mas lalu nitong babansutin ang mga negosyanteng Pilipino at tuluyang sasagkaan ang mga pagsisikap para itayo ang makabayang ekonomiya?  Sa pagpayag na mag-ari ng lupa ang mga dayuhan, di kaya mas dadami pa ang mahihirap na Pilipinong iskwater sa sariling bayan?

Hindi cha-cha ang sagot kung gusto nating paunlarin ang Pilipinas at iahon sa kahirapan ang maraming Pilipino.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply