Commonwealth avenue lalagyan ng PUV lanes

INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng “service road” sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na isa ito sa solusyon na napag-usapan nila ng mga kinatawan ng DPWH para masolusyunan ang mabigat na daloy ng trapiko sa naturang highway.

Babakuran umano ang dalawang service roads (northbound at southbound) tulad ng bakod sa mga expressways at dito na lamang padaraanin ang mga pampasaherong bus, jeeps, at mga motorsiklo.

Sasakupin ng bawat service road ang dalawang lane ng Commonwealth Avenue upang maging two-way at apat na lanes ang ookupahin nito.

Mas malaki naman na tatlo hanggang  pitong lanes ang magagamit para sa mga pribadong motorista.

Hindi naman binanggit ni Tolentino kung balak ding maningil ng pamahalaan ng toll fee kung maisasagawa ang naturang proyekto.

Sa panig naman ng MMDA, may  inisyal din silang proposal na maglagay na lamang ng harang o “barrier” sa dalawang lanes ng Commonwealth Avenue para lamang daanan ng mga pampasaherong behikulo.

Bukod umano sa mapapabilis ang daloy ng trapiko, inaasahan din na mababawasan ang bilang ng aksidenteng nagaganap sa naturang highway dahil sa mapipigilan ang mabilis na pagpapatakbo at pakikipagkarerahan para sa pasahero ng mga pampasaherong sasakyan. Johnny F. Arasga

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply