CPP to PNoy: Kaya mong banggain ang big-time loggers?

KAYA nga kaya niya?

Dahil sa umano’y maimpluwensiyang mga personalidad sa negosyo ng pagtotroso, nag-aalinlangan ang Communist Party of the Philippines (CPP) na maipapatupad ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang balak na total log ban.

Anang CPP, marami nang naunang mga lider ang nakaisip na wakasan ang umano’y pagmamalabis ng malalaking loggers, ngunit di naman nila ito napatupad, at malamang na ganun din ang kahihinatnan ng balak ni Aquino.

“Proposals to ban logging have cropped up several times in the past but none one of the puppet reactionary governments ever had the determination to put a stop to big commercial logging … Aquino’s log ban proposal will most likely similarly end like a wimp,” anang CPP sa isang pahayag nitong Linggo, Enero 16.

Matapos bisitahin ni Aquino ang ilang lugar na nasalanta ng walang tigil na pag-ulan, pagbaha, at landslides nitong nakaraang linggo, nagpahayag ang pangulo ng planong total log ban.

Sinabi rin niyang inatasan niya ang Department of Justice upang pag-aralan ang mga kasong maaaring isampa laban sa mga illegal logger na nagpapalala ng pagbaha dahil sa walang habas nilang pagputol ng mga puno sa kagubatan.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Linggo ng gabi, umakyat na sa 51 katao ang namatay dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Ang huling apat na namatay dahil sa pagkalunod ay pawang mula sa Negros Oriental.

Samantala, ang bilang ng nasaktan ay nanatili sa walo katao. Ang bilang naman ng nawawala ay umakyat na sa 11 katao – pito sa kanila ay mula sa bayan ng Pandan sa Catanduanes.

Ayon sa CPP, “too little, too late,” na ang plano ni Aquinong disiplinahin ang malalaking commercial loggers lalo pa’t nangangahulugan din ito ng pagbangga niya sa interes ng ilang impluwensiyal na pulitiko na may kaugnayan sa negosyo ng pagtotroso.

Ginawang halimbawa ng CPP ang San Jose Timber Corporation na umano’y pag-aari ni Senate president Juan Ponce Enrile.

Ang nasabing kumpanya, anang CPP, ay may timber concession sa Samar na sumasakop sa 96,000 hectares.

Ang concession ay nakapaloob sa 330,000-hectare Samar Island Nature Park, isang protected area kung saan ayon sa batas ay dapat na ipinagbabawal ang pagtotroso.

Isa ring malaking palaisipan sa CPP kung kayang banggain ni Aquino ang isa pang malaking logging company, ang Surigao Development Corporation (SUDECOR) na pag-aari ng maimpluwensiyang Puyat family.

Ang SUDECOR ay may 76,000-hectare timber concession sa Surigao del Sur, kabilang ang mga lugar sa Mindanao kung saan mabilis na nauubos ang mga virgin forest, ayon sa CPP.

“Despite the rapidly dwindling forest cover, the Philippine government continues to issue permits to big logging companies to cut down trees for commercial use and export. Currently, up to 100,000 hectares more forest areas are being denuded yearly by big logging and mining operations,” anang partido.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply