Deadline: The Movie

MATAPOS ang matagumpay na proyekto namin, ang pelikulang pinamagatang Ang babae sa sementeryo na ipinalabas noong Nobyembre, isang political thriller naman ang susunod naming proyekto.

Isinusulat ko ng maaga pa lang sa kolum na ito ang tungkol sa proyekto para inyong abangan at suportahan.

Ang pelikula ay may working title na DEADLINE. Isinulat ni Bonnie Ilagan sa ilalim ng direksyon ng batikan at award-winning director na si Joel Lamangan. Bida sa DEADLINE si Tirso Cruz III, Allen Dizon, Lovi Poe, TJ Trinidad, Ina Feleo at marami pang iba. Ang pelikula ay tatalakay sa isyu ng pagpatay ng mga journalists sa bansa dahil sa pulitika.

Napaka kontrobersyal ng isyung ito dahil nabansagan na ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang hindi ligtas para sa mga journalists. Kung ang isang bansa tulad ng Pilipinas ay nagsasabing para tayo sa demokrasya at pagkatapos ay pinapatay ang mga mamamahayag dito sa atin, aba ay kailangan nating pag-aralan kung paano nga ba natin pinahahalagahan bilang isang bansa ang isang mahalagang aspeto ng demokrasya, at yan ay ang malayang pamamahayag.

Personal sa akin ang kwento ng DEADLINE. Naging Editor ako noon ng aming college paper at ngayon nga ay isang kolumnista kaya dream project ko ito na kasalukuyang sinu-shoot at ipapalabas ngayong taon.

Isang marangal na propesyon ang maging isang manunulat at isang peryodista.  Pero kailangan ang maraming tapang, tatag ng paninindigan at lakas ng loob sa trabahong ito.  Naaalala ko noon na may mga t-shirts pa kami na may nakasulat na “don’t shoot journalists.”

Halos pagsusumamo ang dating ng mga salita, na huwag nyo kaming patayin pero ang free speech ay hindi isang pribilehiyo lamang, ito ay karapatan. Not a privilege but a right under a democratic society. Nakasaad sa Saligang Batas ang kahalagahan ng malayang pamamahayag.

Minsan lang ay talagang mapanganib ang trabahong ito lalo kung masasabak ang isang manunulat o isang journalist sa pagpapahayag ng katotohanan tungkol sa korapsyon at kriminalidad at paghahanap ng hustisya.

Kamakailan lang ay na-iskandalo ang buong mundo ng may halos 30 na journalists ang kasamang minasaker sa Maguindanao na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na solusyon at patuloy pa rin ang imbestigasyon.

Isipin na lang, ayon sa New York Times, 71 journalists sa buong mundo ang pinatay noong taong 2009, at 29 sa numerong ito ay mga journalists sa Pilipinas, minsanang minasaker sa Maguindanao.

Ayon sa isa pang rekord, mahigit 100 na ang pinatay na mga mamamahayag dito sa Pilipinas mula taong 1986 na tinaguring People Power year kung kailan sinasabing naibalik ang kalayaang demokratiko sa bansa nang mabuwag ang mapaniil na gobyerno ng diktaturang Marcos.

Panahon na para bigyang pansin ang usapin ng “killing of journalists” sa ating bansa. Nakakahiya, nakakadismaya na isa tayong demokrasya pero mapanganib para sa isang mamamahayag ang maging tapat sa propesyon ng malayang pagsusulat dito sa ating bansa.

Panahon na para kilalanin natin ang kontribusyon at sakripisyo ng isang tapat at malinis na journalist para sa ikabubuti ng sambayanan at ikabubuti ng ating kinabukasan bilang isang bayan. Abangan ninyo ang DEADLINE.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong salobin at opinyon.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply