Death toll sa baha umakyat na sa 12

UMABOT na sa 12 ang bilang ng mga namatay sa mga pagbaha at landslide sa pitong rehiyon sa bansa, ayon sa datos ng gobyerno.

Nitong Martes, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) chief Benito Ramos na narekober na ang bangkay ng dalawa pang biktimang natabunan ng gumuhong lupa sa Maibu, Butuan City.

Kinilala ang mga ito na sina Shielo Caredo, 40, at Diospro Alvero, 17.

Ani Ramos, tatlo pa ang nawawala na natabunan din ng gumuhong lupa sa Prosperidad, Surigao del Sur.

Ang iba pang nasawi ay kinilalang sina Fatima Discaryal, Rodel Discaryal at Jordan Laquipon na biktima ng landslide sa Barangay Bolodbolod; isa sa Barangay Pancho Villa, Sogod na kinilalang si Patrick Pelaez; at Recabel Montederamos ng Barangay Maanyag, Tomas Oppus na pawang nasa Southern Leyte.

Patay din si Cristy Jane Celocia ng Barangay Lower Sagadan, Baroy, Lanao del Norte at Apolinaria Porras ng Mt. Diwata, Compostela Valley at dalawa pa sa Manito, Albay.

Isa naman ang nawawala sa Barangay Guinsaangan, Bontoc Southern Leyte.

Ang pitong naapektuhang rehiyon ay Regions IV-B (Mimaropa);, V (Bicol); VIII (Eastern Visayas), X (Northern Mindanao), XI( Davao), ARMM at CARAGA.

Umabot na sa 37,718 pamilya o katumbas ng 200,494 katao ang apektado sa 242 barangay, 39 na bayan, 10 na lungsod at 10 na lalawigan ang apektado ng kalamidad sa mga nasabing rehiyon.

Dahil dito, pinulong ni Ramos ang sampung ahensya ng pamahalaan upang bigyan ng tulong ang mga apektado ng kalamidad na karamihan ay nasa evacuation centers.

Lumikas na rin muli ang may 62,655 kataong residente ng Albay na nagsibalik sa kanilang mga tahanan noong Pasko. Napilitan silang magsilikas dahil sa nakaambang sungit ng panahon.

Umabot naman sa 102,531 katao ang nag-evacuate sa Caraga Region, 341 sa Davao Region, at 2,069 sa Southern Leyte.

Halos 199 ektarya ng palayan at gulayan naman ang napinsala na karamihan ay sa Bicol Region. Nenet L. Villafania

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply