Dekadente

WALANG karapatan ang Kongresong ito na gumawa ng batas samantalang ang mga kasapi nito e lumalabag sa mismong batas na sinumpaan nilang sundin.

E ano naman ang maaasahan sa Bahay ng mga Kawatan, este, Kinatawan na hindi bumuboto batay sa kunsensya kundi sa kung saan nanggagaling ang kita? Ano ang aasahan sa mga kongresistang ang unang ginagawa e ipagtanggol ang mga kasamahang gumagawa ng kasalanan sa bayan dahil sila mismo’y hindi naman busilak ang kalooban at may pag-iimbot sa gawi at asal? (Naks naman.)

Noong Hulyo pa nahuling nagpuslit ng droga sa Hong Kong itong si Kongresman Sing a Song pero nagpapatumpik-tumpik pa ang mga kawatan, este, kinatawan at matagal na nagmumuni-muni kung dapat nga ba itong patalsikin sa Bahay ni koyang.

Kung ang asawa ni Jules Caesar ang gagawing sukatan para sa mga “lingkod ng bayan,” malaon nang nabakante ang Bahay dahil siguradong walang papasa. “Caesar’s wife must be above suspicion,” ika nga sa Ingles. At ito ang panuntunan sa serbisyong publiko sa mga demokratikong bansa.

Upuan ang kahulugan ng “lingkod” kaya ang mga lingkod ng bayan e “inuupuan” ng bayan. Ibig sabihin binibigyan nila ng ginhawa ang bayan, hindi kahihiyan. At lalong hindi nila dapat pinagnanakawan at niloloko ang mga tao.

Laging sinasabi na hindi pa naman nahahatulan si Sing a Song at “unfair” naman sa kanya na patalsikin sa Kongreso gayong hindi pa naman napatutunayang nagkasala nga siya.

Kung hindi ba naman sila sandamukal na hunghang. Hindi naman usapin ito ng may sala ba siya o wala. Dahil kung may sala siya, kalaboso ang bagsak niya – hindi pagpapatalsik lamang sa pwesto.

Ang isyu dito e ang pananatili niya sa pwesto bilang tagagawa ng batas gayong may pagdududa na sa kanya. Nagpuslit siya ng 26 gramo ng cocaine sa Hong Kong at hindi naman ito itinatanggi. Ang pinagtatalunan na lamang sa korte e kung user ba siya o pusher. In short, bigat ng kasalanan na lang.

Sabihin nang hindi siya nagtutulak ng droga, makatarungan ba sa mga kinakatawan niya sa Ilocos Sur o maging sa buong bayan na ang gumagawa ng batas para sundin ng lahat e isang durugista? Unfair nga ba sa kanya – bilang drug user – na bigyan ng pagkakataong lumikha halimbawa ng batas laban sa iligal na droga?

Sabi ng tatay niya, dapat unahing patalsikin si Pilo Lacson sa Senado dahil mas nauna itong nagtago sa batas.

Sa Latin, ang tawag sa katwirang ito e non sequitur o kalokohan; walang kinalaman sa pinag-uusapan.

Pero pagbigyan natin siya. Pareho na lang silang sibakin sa pwesto; si Lacson sa Senado at si Singson sa Bahay. Sa ganun, ebribadi hapi.

Ang saya-saya, di ba la? Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply