Wala akong atraso! – DENR Sec. Paje

UMALMA si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Ramon  Paje sa mga bintang na pangongotong noong  undersecretary  pa lamang siya ng DENR.

Aniya, pinakakalat lamang ito ng mga taong nasaktan sa ginawa nilang reporma, lalo na ang mga anti-corruption measures. Walang batayan at lalong walang mga ebidensya diumano ang mga nasabing akusasyon at bagkus ay hinamon pa nito ang kahit sino na maglabas ng ebidensya upang patunayan ang mga bintang sa kanya.

Ito ang reaksyon ng kalihim sa mga diumano’y kinasasangkutan nitong anomalya na may kaugnayan sa pagmimina, pagtotroso, pag-iisyu ng environmental impact assessment, usurpation at insubordination.

“The allegations are perpetuated by people hurt by massive reforms, especially anti-corruption measures that are now in place in the department.  They simply are out to derail efforts at good governance being embarked by the PNoy Administration,” pagsalag ni Paje sa mga paratang sa kanya.

“At the risk of putting myself on the defensive, it has become necessary to dispel the allegations so as to clear the air of the unfounded allegations making the rounds,” aniya pa.

Kabilang sa alegasyon laban kay Paje ay ang pagkumbinsi umano niya kay dating DENR Secretary Lito Atienza na mag-isyu ng kautusan na mag-oobliga sa mga kumpanya sa pagmimina na kumuha muna ng extraction at processing permit bago payagang makapag-operate.

Ayon naman kay Mines and Geosciences Bureau OIC Director Leo Jasareno walang anumang tala na magpapatunay na kinakailangan pang kumuha ng extraction at processing permit ang mining operators.

Sa isyu naman ng Tat Filipinas Golf Course, nilinaw ni Paje na dalawa ang golf courses ng Tat, ang isa ay matatagpuan sa Rizal at ang isa sa Laguna. Nabigyan na ng Environmental Compliance Certificate ang Tat Rizal noon pang Abril 2003 habang ang Tat Laguna naman ay naitatag noong 1962 at nakumpleto ito noong 1964 kaya hindi ito nasasakop ng Environmental Impact Assessment na sinimulan lamang iisyu noong 1982.

Pagdating naman sa usapin ng pagtotroso, wala umanong logging permit na nilagdaan ang kalihim sa Aurora o saanmang bahagi ng Pilipinas at ipinangako nitong hindi siya pipirma ng anumang kontrata na may kinalaman sa pagtotroso.

Sa isyu naman ng usurpation at insubordination na ibinabato laban kay Paje, ipinaliwanag nitong nanindigan lamang siya sa pangakong hindi siya susunod sa anumang kautusan na hindi naaayon sa batas at idinisenyo lamang bunsod ng halalan.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply