DILG exec may monthly ‘tong’ sa customs

SINO itong mataas na opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may buwanang “tong” daw sa isang opisyal ng Bureau of Customs na may hawak na sensitibong posisyon?

Noong una ay hindi tayo makapaniwala dahil sa pagkakaalam ko ay sugal lang
pinapatulan ng naturang DILG official.

Pero nag-iba ang aking pananaw nang maispatan kamakailan ng mga espiya natin ang naturang boss ng DILG sa isang restoran sa likurang bahagi ng SM Mall of Asia habang kasama ng mga bataan niya.

Pa-simple lang ang naturang DILG official na umupo sa ibang mesa sa loob ng
restoran hindi kalayuan sa mga bataan niya sa pag-aakalang hindi siya makikilala ng espiya natin.

Hindi nagtagal ay dumating naman ang opisyal ng BoC kasama ang kanyang driver sa naturang restoran din.

Dala ng driver ng naturang BoC official ang isang paper bag at isang malaking
kahon na nakabalot ng isang gift wrapper.

Takang-taka ang espiya natin nang makitang malugod na sinalubong ng mga bataan ng naturang DILG official ang dumating na opisyal ng BoC.

Kitang-kita ng espiya natin nang iabot ng naturang official ng BoC ang dalang
paper bag at kahon sa mga alagad ng DILG executive saka nagmamadaling umalis.

Sa pag-iimbestiga ng espiya natin, napag-alaman niya na pera pala ang laman ng paper bag at ng kahon.

At kung magkano ang laman ng kahon at ng paper bag ay sila lamang ang nakakaalam kung ilang milyones iyon.

Ibig sabihin, may milyones kada buwan na parating ang BoC executive sa naturang boss ng DILG.

Bakit naman kaya ginagawa ito ng naturang BoC executive?

Malakas daw kasi kay Pangulong Aquino ang naturang boss ng DILG at kailangan siya ng nasabing BoC executive para hindi ito masibak sa kanyang puwesto sa pantalan.

“Juicy” kasi ang puwesto ng naturang BoC executive dahil siya palagi ang isa sa mga unang kinakausap ng mga smuggler sa pantalan.

Nagsisilbing “mata” kasi ng BoC ang puwesto ng naturang customs official kaya’t walang smuggler ang puwedeng magpalusot sa kanila ng anumang kontrabando o iligal na kargamento!

* * * * * * * *

TULOY na naman ang ligaya nitong si Allan Manuela, ang jueteng lord ng southern district ngf Metro Manila.

Iyan ang sumbong ng espiya natin. Nakapagtataka daw kung bakit tuloy pa rin ang operasyon ng jueteng ni Manuela sa kabila ng ginawang paghuli sa kanila ng mga tauhan ng NBI nitong nakaraang linggo.

Malinaw daw na nagkaroon ng “ayusan” sa pagitan ng NBI at ng nasabing gambling lord dahil balik-lansangan na naman ang mga kabo at kubrador nito sa paligid ng Muntinlupa, Pateros, Taguig, Parañaque at Las Piñas. (Mabuti’t hindi sila nakapasok sa Pasay at Makati!)

Samantala, maraming opisyal ng pulis sa NCRPO (National Capital Regional Police Office) ang naghihimutok sa ginawang pag-raid ng NBI sa sugalan ni Manuela.

Wala daw kasing koordinasyon sa kanila ang ginawang pag-raid ng NBI.

Sabi naman ng mga taga-NBI, sinadya nila iyon dahil kundi ay tiyak na
matitimbrehan itong si Manuela ng mga pulis na may “tara” sa kanila.

Sa imbestigasyon ng NBI, lumalabas kasi na halagang P70,000 kada linggo ang ipinararating nitong si Manuela sa mga opisyal ng NCRPO. Bukod pa rito ang para sa mga bosing ng Southern Police District (SPD)

Ano kaya ang masasabi dito ni Gen. Nicanor Bartolome, ang hepe ng NCRPO?
* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply