Diskuwento sa petrolyo sa mga PUV konsuelo de bobo

ANO nga ba yang mga diskuwento sa diesel at gasolina para sa mga dyipni at bus, huh?

Kaugnay ito, Suki, ng magkasunod na anunsyo ng Petron at Shell na magbibigay sila ng diskuwento para makatulong sila sa pagpapagaan sa krisis ng mga PUV operator at drayber.

Kakambal ito ng pagpapagaan na rin umano sa kalagayan ng mga mananakay na tatamaan ng pagtaas ng pamasahe.

Sabi ng Shell, nasa P50 sentimos kada litro ang diskuwento pero para lang sa iilang istasyon nito.

Hindi naman maliwanag kung magkano ang ibibigay na diskuwento ng Petron at kung lahat ng istasyon nito ay kasali o hindi.

oOo

Saan mo man tingnan, makatutulong kahit konte ang sinasabing mga diskawnt sa gasolina at disel para sa mga pampasaherong sasakyan.

Ang masakit nito, hindi yata kasali  ang mga taksi at traysikel.

Magkagayunman,  kahit tabingi ang oper ng mga kompanya ng gasolina sa mga pampublikong sasakyan, makatutulong pa rin kahit papaano.

Ayon sa Department of Energy, makapipigil umano ang diskawnt sa pagnanasa ng mga pam-publikong sasakyan na magtaas ng pasahe.

Makapagpapagaan naman sa kalagayan ng mga operator at drayber ng mga PUV.

oOo

Sa kabilang banda, hindi kaya konsuelo de bobo ang diskawnt na ito?

Una, hindi naman kasali ang mga taksi at traysikel.

Ikalawa, marami ang ulat na binababoy ang kalibresyon ng mga diskawnt leyn sa mga istasyon.

Wataymen, marami sa mga istasyon ang nandadaya sa kalibresyon at hindi totoo na  ang nabibiling diesel o gasolina na nakikita sa metro ay katumbas ng mga bumubuga sa mga tangke.

Dinadaya na ang kalibresyon, hangin pa ang bumubugang petrolyo.

Iba pa ang sobrang bilis umano ng takbo rin ng metro.

Ikatlo, wala talagang balak ang mga kompanya ng langis at gobyerno na timplahin ang presyo.

Napatunayan nang habang may krisis sa presyo ng petrolyo, lalong mas malaki ang kinikita ng mga kompanyang langis.

Habang mas mahal naman ang presyo, lalong kumikita ang gobyerno sa expanded value added tax at taripa sa petrolyo at corporate tax sa mga kompanyang langis.

Umaabot yata ang nakokolektang EVAT sa petrolyo sa halagang P100 bilyon sa loob ng isang taon, bukod pa ang limang porsiyentong taripa rito na bilyon-bilyon din ang halaga.

Tiyak ding lalaki ang corporate tax na sinisingil sa mga kompanyang langis.

oOo

Sa huli, lumalabas tuloy na totoong konsuelo de bobo ang mga diskawnt na yan.

At ang nakasusuka, kasama ang mga onorabol sa pandedenggoy kay Juan.

Kumbaga sa puno, walang malulusutan si Juan sa krisis sa presyo sa langis.

May buwaya sa ibaba, may sawa sa itaas na lumalamon sa kanya nang buhay.

Ngayon, paano yang fare hike ngayon at ang mabibigatang mananakay dahil sa sobrang mahal na petrolyo?

M@#$P&^$I*&^! Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply