DND execs ni GMA igigisa sa Senado

INIHAHANDA na ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga subpoena para sa matataas na opisyal ng Department of National Defense (DND) sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kaugnay ng imbestigasyon sa plea bargaining ni dating military comptroller Carlos Garcia.

Partikular na binanggit ni Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Blue Ribbon Committee, si dating Defense Secretary Angelo Reyes na ipatatawag ng kanyang komite.

“Magme-meeting na kami ngayon (sa Blue Ribbon) upang planuhin ang imbestigasyon,” ani Guingona. “Definitely, ipatatawag natin si Secretary (Angelo) Reyes.”

Nauna rito ay kinondena ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada sa kanyang privilege speech ang plea bargaining ni Garcia.

Ayon kay Estrada, ang plea bargain ni Garcia, na ginawang batayan upang makalaya ito, ay maaaring magiging tungtungan ng akusado upang makahulagpos sa kasong plunder.

“Without doubt, the plea bargain makes a mockery of the more than five years crusade of previous prosecutors, members of media and other concerned individuals to bring this person to justice,” ayon kay Estrada.

Sinabi pa ni Guingona na bukod kina Garcia at Reyes, ipatatawag din ang ilang matataas na opisyal ng DND, Department of Budge and Management (DBM) at Office of the President ng nakaraang administrasyon upang magbigay linaw sa naturang kontrobersiya.

Ipatatawag din ng Blue Ribbon Committee ang Office of the Special Prosecutor at kinatawan ng Department of Justice (DOJ) upang matukoy kung papaano ginawa ng tagalitis na makapasok sa plea bargaining agreement ang isang opisyal na kinasuhan ng plunder.

Iginiit naman ni Sen. Gregorio Honasan na kailangan itong maimbestigahan ng Senado upang makalikha ng panukalang batas na makapagpipilit sa isang akusado ng pagnanakaw at pandarambong sa kaban ng bayan na ilantad ang kanyang mga kasabwat.

“Dapat puwersahin natin si Garcia upang tukuyin niya kung sino ang kasabwat niya,” ani Honasan.

Aniya, ganitong prinsipyo ang dapat isama sa panukalang batas na lilikhain sa pag-iimbestiga kay Garcia upang tuluyan nang mapigilan ang pandarambong at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ernie Reyes

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply