DOJ kumbinsidong hindi bomba ang sumabog sa Glorietta

HINDI umano sanhi ng bomba at hindi rin isang pag-atake ng terorismo ang naganap na pagsabog sa Glorietta 2 Mall nuong ika-19 ng Oktubre ng taong 2007.

Ito ay batay sa resulta ng imbestigasyon ng fact finding team na binuo ng Department of Justice (DOJ) na pinangunahan nina Senior Asst. State Prosecutor Peter Ong at Asst. State Prosecutor Gino Paolo Santiago.

Sa nasabing findings, hindi umano kumbinsido ang panel sa pahayag ni retired Col. Allan Sollano na ang pagsabog ay sanhi ng Improvised Explosive Device o IED.

Si Sollano ay lumantad nuong nakalipas na taon o tatlong taon matapos ang pagsabog.

Batay umano sa mga physical evidence, tinukoy ng panel na ang pagsabog ay posibleng sanhi ng methane gas o  biogas diesel/fumes.

Hindi binigyan ng bigat ng panel ang plastic bag na umano’y ebidensya ni Sollano na kanyang narekober sa ibabaw ng diesel fuel tank sa basement ng Makati supermarket na hinihinalang ginamit na pambalot ng IED.

Sa pag-iimbestiga ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Service, tinukoy ni Sollano na nagpositibo ang bag sa mga trace ng RDX na sangkap ng c4 na isang uri ng pampasabog.

Pero pinagdudahan ng panel ang pahayag ni Sollano dahil nakapagtataka anila kung paano nagpositibo sa sangkap na pampasabog ang naturang plastic bag gayong negatibo naman sa pampasabog ang diesel fuel tank.

Bukod duon, hindi rin umano consistent si Sollano sa kanyang pahayag dahil una nyang tinukoy na ang plastic bag ay narekober nya sa likuran ng isang kotse pero binawi niya iyon at sinabing nakuha nya iyon sa ibabaw ng diesel fuel tank.

Nadismaya din ang DOJ panel kay Sollano dahil nabigo itong makadalo sa ilan nilang mga pagdinig.

Inirekumenda ng binuong lupon na imbestigahan ng PNP o National Bureau of Investigation ang posibleng paglabag ni Sollano at ng iba pa nyang kasamahan sa PD 1829 o Penalizing Obstruction of Aprehension and Prosecution of Criminal Offenders. Teresa Tavares

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply