Doktor na nang-abandona ng nanganganak na pasyente, sinibak

HINDI pa rin pinalusot ng Office of the Ombudsman ang isang government doctor na nang-iwan sa kanyang nanganganak na pasyente na nagresulta sa pagkamatay ng anak ng huli may dalawang taon na ang nakararaan.

Iniutos pa rin ni Ombudsman Ma. Merceditas N. Gutierrez ang pag-dismiss sa serbisyo kay Dr. Idol Bondoc kahit na nagbitiw na ito bilang medical officer ng Oriental Mindoro Provincial Hospital.

Sinibak si Bondoc dahil sa hindi tamang paggawi nito bilang manggagamot ng nabanggit na pagamutan sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Nag-ugat ang isyu sa kasong isinampa ni Marilou Rala Mantala na nagkuwentong noong 9:00 ng umaga ng Abril 3, 2009, nagtungo siya sa Oriental Mindoro Provincial Hospital para iluwal ang ikalima niyang anak, kung saan si Bondoc ang nakatalagang manggagamot sa delivery room.

Matapos umano siyang pahigain sa kama at itali rito ang kanyang mga binti, nagbigay ng instruksyon si Bondoc sa mga assistant nitong komadrona at saka iniwan ang pasyenteng manganganak.

Bumalik lamang si Bondoc dakong 4:00 ng hapon nang hindi pa rin nakakapanganak si Mantala.

Bunsod nito, nagtulong-tulong na ang attendants na diinan ang tiyan ni Mantala upang mailabas na ang bata.

Doon na niya nagawang iluwal ang bata ngunit kaagad siyang nawalan ng malay-tao.

Nang magkamalay, dito na ipinagbigay-alam kay Mantala na patay ang anak niyang iniluwal. Ang masama pa rito, pinalabas na siya ng pagamutan kahit na mayroon siyang ubo at ang kanyang tahi na dulot ng panganganak ay hindi pa naaayos.

Dahil dito, muling itinakbo sa pagamutan si Mantala dahil kinailangan niyang sumailalim sa blood transfusion at malinis ang kanyang sugat na hindi naghilom dulot ng hindi maayos na tahi.

Sa pagkakataong ito, sinabi umano sa kanya ni Dr. Bondoc na: “Ikaw ay sadyang ayaw magpa-cs.”  Matapos ito, narinig pa niya ang manggagamot na nagsabi sa isang nurse ng: “Huwag sana akong idemanda ni Mantala kasi kaya ko siyang baliktarin.”

Lalo pang nagdiin kay Bondoc ang kanyang mga sinabi kay Mantala at sa nurse ng pagamutan noong bumalik ang pasyente sa ospital.

Hindi rin tinanggap ng Ombudsman ang argumento ni Bondoc na hindi na siya maaaring masampahan pa ng kasong administratibo dahil nagbitiw na siya bilang medical officer ng Oriental Mindoro Provincial Hospital. Robert Ticzon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply