Ehipto bantayan at paghandaan nang todo

SA mga araw na ito, dapat nang kumpleto ang mga tauhan ng gobyerno sa Ehipto para tulungan at protektahan ang mga overseas Filipino worker doon.

Ayon sa gobyerno, nasa 6,000-7,000 lamang ang mga OFW sa magulong lugar. Pero sa tantiya naman ng mga organisasyong katulad ng Migrante International, maaaring aabot lahat sa 20,000.

Kabilang dito ang mga undocumented OFW o hindi dumaan sa Philippine Overseas Employment Administration.

Bukod sa mga tauhan ng gobyerno na galing sa Pinas at sasama sa mga nasa embahada, dapat kumpleto na rin ang  pondo, kagamitan at programa para sa malakihan at mabilisang paglilikas.

oOo

Habang sinusulat natin ito, Suki, mayroon nang 100 ang namatay sa hanay ng mga nagpoprotesta laban sa Pangulo ng Ehipto na si Hosni Mubarak.

Pero hindi lang ang hanay ng mga nagpoprotesta at mga tauhan ni Mubarak ang namamatayan kundi pati ang iba dahil sa paglaganap naman ng mga gang na nagnanakaw at nanununog o naninira ng mga sasakyan, bahay at marami pang iba.

Isang nakababahala ang paglabas ng mga bilanggo sa ilang bilangguan na pinuwersang mabuksan at ngayo’y tila sumasama sa mga kaguluhan sa pamamagitan ng mga krimen.

Nakababahala na ang nagaganap sa lugar kaya naman nababahala na hindi lang ang mga migrante kundi pati ang pamilya ng mga OFW dito.

oOo

Ayon sa Migrante International, dapat nang magsagawa ang pamahalaan ng mga ebakwesyon gaya ng ginagawa na ng ibang mga bansa.

Dapat na makinig ang pamahalaan sa sinasabi ng Migrante.

Kahit isang OFW lang ang mamatay, maaaring isisi ito kay PNoy na hanggang ngayon ay nagmamasid lamang?- Rey Briones

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply