Fare increase sa LRT, MRT dadaan pa sa konsultasyon

NILINAW Miyerkules ng umaga ng pamunuan ng (Light Rail Transit Authority) LRTA na idadaan pa sa public consultation bago sila tuluyang magpataw ng fare hike sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).

Ayon kay LRTA spokesman Atty. Hernan Cabrera, hindi pa pinal ang inaprubahang fare increase dahil kailangan pa munang magkaroon ng provisional approval kaugnay sa binabalangkas na taas-pasahe.

Nauna rito, nagpalabas ng pahayag si Department of Transportation and Communication (DOTC) Undersecretary Dante Velasco na mula Marso 1 ay magbabayad na ang mga pasahero na sumasakay sa MRT at LRT ng P11 boarding fee at karagdagang P1 sa bawat kilometrong tatakbuhin ng tren.

Sa bagong fare scheme, ang dating P20 pamasahe sa LRT mula Baclaran hanggang Roosevelt Ave. sa QC ay papalo na sa P30 habang ang dating P15 pamasahe sa MRT mula North Ave. hanggang Taft ay aabot na sa P25.

Ayon pa kay Velasco, makakaasa ang publiko ng mas magandang serbisyo ng mga tren, tulad ng malinis at maayos na mga pasilidad, mas mabilis na pagpapatakbo, maluwag at mas mabilis na paghihintay sa mga tren.

Ang dating 40 kilometro kada oras na takbo ng mga tren ay pabibilisin umano sa paggamit ng bagong teknolohiya at pag-upgrade sa mga riles.

Makatitipid din daw ang pamahalaan ng P1.2 bilyon kada taon dahil sa gagawing pagtataas ng pamasahe.

Samantala, umalma naman ang National Council for Commuters Protection Group (NCCP) bunga ng umano’y hindi patas ang malaking taas-pasahe sa tren.

Hinamon ni NCCP President Elvira Medina ang pamahalaan na maglabas ng transparency report hinggil sa pagpayag nito sa nasabing fare increase.

Kaugnay nito, tiniyak ni Medina na maghahain kaagad sila ng Temporary Restraining Order sa oras na ipatupad ang nasabing fare hike. Johnny F. Arasga/Ben Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply