Flashflood, landslides sa Visayas at Mindanao pinangangambahan

PINANGANGAMBAHAN na magkaroon ng flashfloods at landslides sa ilang bahagi ng Visayas at Northern Mindanao dahil sa patuloy na pag-ulan sa naturang lugar, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa, bagamat walang iniulat na sama ng panahon o bagyo sa mga naturang lugar ay patuloy na makararanas ng pag-ulan ang mga naturang lugar dahil sa umiiral na northeast monsoon o hanging amihan at ang pagsasalubong ng dalawang air masses sa kalangitan na tinatawag naman na tail-end of a cold front.

Sinabi ni Raymond Ordinario, weather forecaster ng Pagasa, na bukod sa pag-ulan ay makararanas din ng maulap na papawirin, kalat kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa hapon at gabi ang mga naturang lugar.

Pinaalalahanan din ng ahensya ang mga mangingisda sa Luzon at Visayas na nagbabalak mangisda na magsagawa ng ibayong pag-iingat dahil sa malakas na alon at hangin sa karagatan.

Magugunitang ang ilang lugar sa Visayas at Mindanao ay may mga kasaysayan na ng landslides at flashfloods nitong mga nakalipas na taon dahil sa walang tigil na pag-ulan. Santi Celario

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply