Foreign trips ng generals’ wives, sagot ng AFP

HINDI lamang si Clarita Reyes, kabiyak ni dating military chief of staff Angelo Reyes, ang ginagastusan din ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tinutustusan din nito ang mga biyahe sa ibang bansa ng mga asawa ng dalawa pang heneral na sangkot sa P50-milyon “pabaon issue.”

At hindi lamang iilan ang mga mamahaling biyaheng nabanggit, kundi mahigit 40, ayon kay Sen. Jinggoy Estrada.

Hindi umano mapapasubalian ang impormasyong nakalap ng kanyang tanggapan, ani Estrada.

Isang dokumento umano ang nagdedetalye sa mga biyahe ni Ginang Reyes.

Kasama rin sa listahan ang kabiyak nina dating AFP comptroller Carlos Garcia at retired Gen. Jacinto Ligot. Si Ligot ang pinalitan ni Garcia nang magretiro ang una.

Ayon kay Estrada, galing sa pondo ng AFP ang ginagamit ng “pabaon” ng tatlong kabiyak ng naturang mga heneral. Mismong ang nagbulgar na si dating AFP budget officer  Lt. Col. George Rabusa ang nagbibigay at naghahatid ng pondo.

“Binibigyan sila ng pabaon ni Rebusa. Kung malayong bansa ang pupuntahan nila, mas malaki. Kung malapit lang, konti lang in dollars. At kung local travel, tig-P50,000 cash ang bawat biyahe,” giit ni Estrada.

Inihayag pa ni Estrada na kasalukuyang sinusuri ng kanyang staff ang travel documents na napasakamay ng kanyang tanggapan na naglalaman ng flight numbers, mga bansang pinuntahan, mga petsa ng pag-alis at pagdating, kabilang ang pangalan ng mga travel agency na umaayos ng biyahe ng mga asawa ng heneral.

“AFP talaga ang nagbabayad sa travel agencies,” ayon kay Estrada patungkol sa mga biyahe ng mga kabiyak ng dating heneral.

Nitong nakaraang linggo, ibinulgar ni Rabusa sa Senado na umiiral dati ang “pabaon” system sa AFP at siya mismo ang nag-abot ng halagang P50 milyon kay Reyes nang magretiro ito matapos ang tinaguriang “Edsa Dos” kung saan naluklok sa pagka-Pangulo si Gloria Macapagal Arroyo.

“Kaya ipapatawag din natin ang isa pang opisyal na kasama sa round table sa White House nang ihatid ni Rebusa ang pera kay Reyes,” ayon kay Estrada.

Hindi maalala ni Estrada ang ranggo ng isang Sonny Lim na kasamang kausap ni Reyes, Garcia, Ligot at Rabusa sa sinasabing round table sa loob ng White House sa Camp Aguinaldo.

“Angie even asked Ligot to open an account sa bangko, kasi hindi na magkasya ang P200 milyon sa sariling vault nito sa loob ng kanyang bahay,” ayon kay Estrada.

“Isang kahon ang dokumentong hawak ni Rabusa na may ilang lagda ni Reyes kaya matibay ang kaso laban  sa kanya. Katunayan, marami pang sinunog si Angie dahil natatakot siyang mabuko,” giit ni Estrada.- Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply