GANTI (Ika-56 labas)

ISA sa mga tauhan ni Mr. Alegria ang nag-doorbell sa gate.

Lumabas ang babaeng kasambahay ni Bogart.

“Sino po sila at ano ang kailangan?” magalang nitong tanong.

“Mga pulis kami! Nasaan ang amo mo?” marahas na tanong ng tauhan.

“Wala po sila rito. Nasa ibang bansa!” sagot ng kasambahay.

“Si Bogart ang tinutukoy ko!” matigas na sabi ng tauhan.

“Wala po siya rito. Umalis!”

Galit na biglang binunot ng una ang kanyang baril at tinutukan ang kasambahay.

“Buksan mo ang gate kung ayaw mong barilin kita!” panakot niya.

Napilitang buksan ng kasambahay ang pintuan.

Marahas na pumasok ang mga tauhan ni Mr. Alegria.

Sinaliksik nila ang buong bahay pati na ang bawat sulok ng malawak na bakuran pero hindi nila nakita ni anino nina  Bogart at Helen.

“Mukhang nagsasabi nang totoo ang lukaret niyang kasambahay,” sabi ng isang goons.

Galit na hinarap ng isa ang katulong ng hinahanap nilang lalaki.

Dinakot sa buhok saka tinutukan ng baril sa mukha.

“Magsabi ka nang totoo. Saan nagpunta ang amo mo!” tanong niya saka pinalaki ang mga mata para lalong matakot ang kasambahay.

“H-Hindi ko po talaga alam. Kahit patayin ninyo ako, hindi ko maituturo kung saan nasaan sila dahil hindi ko alam kung saan sila nagpunta,” mangiyak-ngiyak niyang tugon.

Buwisit na isinalya ng una ang kasambahay.

Dinukot ang kanyang cellphone at tinawagan si Mr. Alegria.

“Sablay ang lakad namin, bosing. Wala rito ang target at hindi namin mapiga ang kasambahay nila kung saan sila nagpunta,” pag-uulat niya.

Badtrip ang una.

“Saan naman kaya nagpunta ang dalawang ulol na iyon? Bago kayo umalis diyan, mag-iwan ka ng bantay sa labas para pagbalik nila ay karakang maitawag sa atin,” inis na sagot ni Mr. Alegria.

“Yes, Sir!” sagot naman ng tauhan.

Samantala, nakarating na sa grupo nina Morgan, James, Drigo at Bart ang paghahanap ng mga magulang nina Patrick at Jordan sa kumulam sa dalawa at naging dahilan ng kanilang kamatayan para maghiganti.

Lumakas ang kanilang loob.

Lumabas sila sa kanilang pinagtataguan at nagtungo sa bahay ni Mr. Alegria.

Gusto nilang tumulong sa paghahanap kina Bogart at Helen.

Napangiti si Aling Dolores nang sila ay makita.

“Unang tingin pa lang, alam ko na kung sino kayo at ano ang atraso sa inyong kapwa,” sabi ng mangkukulam.

“Oy, tanda! Ngayon ka lang namin nakita. Huwag mo kaming buwisitin!” inis na sabi ni Bart.

“Mga kriminal kayo! Kayo ang kumidnap at gumahasa sa asawa ni Bogart kaya kayo kinukulam!” patuloy ng matandang babae.

“B-Bakit mo alam?” takang tanong ni Morgan.

“Kung hindi ko kalaban si Bogart, may paglalagyan kayo sa akin. Pero dahil dito, kapanalig na ninyo ako!” sabi pa ni Aling Dolores.

“Okey naman pala ang matandang ito, e!” nakangising sabi ni Drigo.

“Magkakampi na naman pala tayo, ‘di sabihin mo na sa amin kung saan sila matatagpuan at tutulong kami sa paghanting sa kanila!” sabi naman ni James.

“Nakaalis sila sa bahay bago ang raid ng aking mga tauhan. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan at hanapin kung saan sila nagtatago, Aling Dolores,” sabad ni Mr. Alegria na kabababa lamang mula sa itaas ng bahay.

“Kahit sa impiyerno pa sila magtago, masusundan ko sila!” anyong malaki ang kumpiyansa sa sarili na sagot naman ni Aling Dolores.

Noon din ay muli siyang nagsagawa ng ritwal para malaman kung nasaan ngayon sina Bogart.

Sa mga sandaling iyon, nakarating na sina Bogart sa lumang bahay ni Lola Agueda.

Paglilinis ang unang inasikaso ni Helen.

Pagbubuklat naman ng aklat na itim ang ginawa ng una.

May lihim na kapangyarihan na gusto niyang matuklasan.  Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply