GANTI (Ika-59 labas)

BAGO sumunod, hindi nakatiis na hindi magtanong ni Morgan. “Mr. Alegria, ano ba ang kasalanan ni Aling Choleng at pati siya ay kailangang parusahan natin?” aniya.

“Tinulungan niya si Helen na makatakas. Ang pagtulong niya sa isang kaaway ay pagtataksil sa akin kaya dapat siyang mamatay,” galit na sagot ng lalaki.

Hindi na umimik pa ang apat.

Wala silang magagawa kundi sundin ang utos ng kanilang panginoon. Pinuntahan nila si Aling Choleng sa kusina. Magiliw silang sinalubong ng matandang babae. “Nagugutom na ba kayo, mga anak? Sandali lang at ipaghahain ko kayo,” sabi ng mabait na kasambahay.

Nagkatinginan ang apat …

Naaawa sila kay Aling Choleng pero hindi nila puwedeng suwayin ang utos ni Mr. Alegria.

Senenyasan ni Morgan si Drigo …

Ang kasama ang inutusan niyang pumatay sa matandang kasambahay.

Nagulat ang matandang babae nang  hawakan siya sa batok ng lalaki.

“A-Ano’ng ….”

Nanlaki ang mga mata ni Aling Choleng nang bigla siyang sakalin ni Drigo.

“B-Bakit?” huling kataga na namutawi sa kanyang bibig. Naglagutukan ang leeg ng matandang babae sa higpit ng sakal ng lalaki.

Luwa ang mga mata at walang buhay na si Aling Choleng nang bitiwan ni Drigo.

Hangos namang kumuha ng sako si Bart. Isinilid nila rito ang matandang babae bago inilipat sa malaking garbage bag para palabasing basura ang kanilang itatapon.

Magkakatulong nila itong isinakay sa van.

Ilang saglit pa at papaalis na sila para idispatsa ang bangkay ng kawawang kasambahay.

Nasa kanyang opisina si Mr. Alegria.

Hindi niya matanggap na pagtrayduran ng isang matalik na kaibigan.

Gusto niya itong gantihan …

Isang malupit na paghihiganti na pagsisisihan ni Mr.
Lagdameo habang siya ay nabubuhay.

Binalingan niya si Aling Dolores …

“Sa iyo ko ipinababahala ang pagliligpit sa kanya. Pinakamasakit na kamatayan ang gusto kong ipatikim mo sa pinakamamahal kong kaibigan,” sabi ng lalaki sa mangkukulam.

Gumuhit sa mga labi ni Aling Dolores ang malagim na ngiti
“Ang maminsala ng kapwa, iyan ang especialty ko. Madali lang sa akin iyan, Mr. Alegria lalo na at kung may bayad,” nakangising sabi ng matandang babae.

“Gawin mo ang lahat ng ipag-uutos ko. Hindi basta bayad kundi kayamanan ang ibibigay ko sa iyo, Aling Dolores,” pangako ni Mr. Alegria sa mangkukulam.

“Kung ganyan ang usapan, wala kang ipag-uutos na hindi ko susundin. Mababalitaan mo na lang kung ano ang nangyari kay Mr. Lagdameo,” masayang sabi ng mangkukulam.

Sa mga sandaling iyon, nakabalik na sa bahay ni Lola Agueda sina Bogart at Helen.

Ang una nilang ginawa ay magsagawa ng ritwal … Gusto nilang ma-monitor ang anumang aksiyon na gagawin ni Aling Dolores.

Isang malaking plangganang puti ang nilagyan nila ng tubig …

Isang patak lang ng gamot ang inilagay ni Bogart ay nagkulay itim na ang tubig.

Pero nang haluin ito ng isang kamay ng lalaki ay nagsimulang luminaw hanggang sa lumitaw ang anyo ni Aling Dolores …

Parang pelikula na nagsimulang dumaloy ang mga eksena … At nalaman nila ang pinaplano ng mangkukulam …

Mamayang hatinggabi, sasalakayin ng isang laksang daga si Mr. Lagdameo …

Isang masakit na kamatayan ang ipalalasap sa kanya ni Aling Dolores …

Mamamatay siya sa kagat ng libo-libong ngipin ng maruruming hayop.

Nang malaman ni Bogart ang plano ng matandang babae, kaagad niyang tinawagan si Mr. Lagdameo.

Binalaan na maghanda hinggil sa plano ni Aling Dolores dahil sa utos ng matalik na kaibigan na si Mr. Alegria. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply