Gwen Zamora, bagong ‘apple of the eye’ ni Vic Sotto

MAINGAY ang bulung-bulungan sa apat na sulok ng showbizlandia ukol kay Gwen Zamora na siya umanong bagong apple of the eye ni Vic Sotto, ngayong kalat at open na rin ang balitang split nila ni Pia Guanio.

Pero dinadaan na lang daw sa tawa ng magandang actress ang pagli-link sa kanya kay Bossing Vic na naging leading lady siya sa entry nito sa kakatapos lang na MMFF.

“It’s funny because they keep linking me to different men. Paiba-iba kaya naguguluhan na rin ako,” pahayag ni Gwen.

Sinabi pa nito na nahihiya siya kay Bossing Vic dahil sa mga balitang naglalabasan ngayon.

“May nagpalaki lang ng issue na hinatid niya ako sa bahay ko. He was just being kind enough to drop me off since he’s from Ayala Alabang and I’m from Las Piñas. Wala kasi akong ride that time kaya he offered and nahiya pa nga ako.

“Since para na nga kaming pamilya because we did Si Agimat at si Enteng Kabisote, wala akong nakitang masama. May nagpalaki lang ng issue which is hindi maganda.

Nagmagandang loob na nga si Bossing sa akin, nabigyan pa ng hindi magandang interpretation. Kaya sobra akong nahihiya sa kanya ngayon.”

Ipinahayag pa ng magandang newcomer na hindi siya dapat idawit sa break-up nina Vic at Pia.

“Iyon ang naiisip ng mga tao, that I had something to do with their break-up. The truth is, wala akong alam diyan. I’m not a part of it. Never will I be the cause of anyone’s break-up.

“I only met Bossing Vic noong nagsu-shoot na kami ng movie. I think ‘yung nangyari sa kanila ni Miss Pia ay matagal na yata. I wasn’t even aware of it when we were shooting the movie.

“Kaya hindi ako. Huwag naman nila akong sisisihin diyan. That’s their problem and sila lang ang makakasagot niyan,” esplika pa nito sa isang panayam.

Pero, hindi kaya ang mga pahayag na ito ni Gwen ang lalong maging mitsa ng pagdududa ng iba sa tunay na relasyon nina Bossing Vic at Gwen?

Bakit? Kasi ay alam ni Gwen ang real score kina Pia at Vic kahit hindi naman umaamin at nagsasalita sa publiko ang dalawa.  So, paano kaya nalaman iyon ni Gwen?

Hmmm…?

*  *  *

Ang pinaka-prestihiyosong beauty pageant at ang kasalukuyang pinakamagandang babae sa bansa ay mapapanood na sa pinakamalaki at nangungunang multimedia conglomerate sa Pilipinas, ang ABS-CBN. Pumirma nitong Biyernes (Jan 14) ang Bibinibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ng limang taong kontrata sa ABS-CBN para sa pagpapalabas ng beauty pageant habang inanunsiyo naman ang pagpasok ni 2010 Miss Universe Runner-up Maria Venus Raj bilang pinakabangong Kapamilya artist.

Dumalo sa contract signing sina ABS-CBN President and COO Charo Santos-Concio, ABS-CBN Channel Head Cory Vidanes, at ABS-CBN Head of TV Entertainment Production Linggit Tan para pormal na salubungin ang mga bagong Kapamilya sa pangunguna ni BPCI Chairperson Stella Marquez-Araneta.

Mas gusto raw ni Ms. Araneta na sa ABS CBN maipalabas ang Binibining Pilipinas Pageant dahil napapanood ito sa buong mundo, hindi tulad ng GMA-7.

“We want to continue to grow and become global and this partnership brings us to realize that dream,” saad nito.

Kaugnay ng pagtutulungang ito, sa ABS-CBN na mapapanood ang pinakahihintay na 2011 Binibining Pilipinas Pageant sa Marso, na ipalalabas din sa buong mundo sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC). Ang top Kapamilya director na si Johnny Manahan ang mamumuno sa grandiosong event na ito sa tulong ng tinitingalang ABS-CBN Special Projects team sa pangunguna ni Chit Guerrero.

Sa panig naman ni Venus, nagpahayag din siya ng sobrang kagalakan sa pagiging bahagi na niya ng Kapamilya Network.
Inamin din ni Venus na labis ang tuwa ng kanyang ina sa pagpasok niya sa Dos dahil isa itong solid na Kapamilya viewer.

“Kagabi nag-usap kami ng nanay ko, sabi niya gusto talaga niya sa ABS-CBN ako. Kasi, hindi niya raw ako mapapanood kapag sa GMA, malabo kasi ang reception. Ngayong nasa ABS na ako, sobrang saya niya, kasi malinaw na malinaw ang reception sa amin,” nakangiting saad naman ni Venus. Nonie Nicasio

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply