Hepe ng LTO, isinasangkot sa carnapping?

DAPAT umanong unahin na paimbestigahan nina Pangulong Noynoy Aquino at ni Department of Interior and Local Government (DILG) Jesse Robredo si Land Transportation Office (LTO) chief  Virginia Torres kaugnay sa pamamayagpag ng carnapping noong siya pa ang officer-in charge ng LTO Tarlac matapos makaladkad ang pangalan nito sa inihaing kaso ng Highway Patrol Group sa maling pagpaparehistro sa Mitsubishi Pajero na may plakang RPJ 111.

Sinabi ng nagpakilalang Col. De Jesus na dating nakatalaga sa HPG, kung seryoso umano ang administrasyong Aquino na masawata ang carnapping sa bansa ay hindi na nila kailangang lumayo pa matapos ipakita ang ilang dokumento  sa HPG na nagiimplika kay Torres sa kaso nitong pagrerehistro ng carnap na sasakyan noong 2009.

Batay sa report ng Philippine National Police-Highway Patrol Group Cordillera na may petsang May 7, 2009, idinetalye kung paano nabawi sa Baguio City mula sa isang Samuel A. Fernandez ng La Trinidad sa Benguet ang kontrobersyal na sasakyan na orihinal na nakarehistro sa LTO Roxas, Isabela subalit nalipat ang rehistro sa LTO Tarlac kung saan nabigyan pa ng personalized plate ng RJP-111 sa kabila na ang LTO District office ay walang kapangyarihan na maglabas ng personalized plate.

Natuklasan din na ang file number na 0232-00000009279 ay opisyal na naka-rehistro sa isang Honda motocycle sa LTO Roxas sa pangalan ng isang Josefina Razon ng Victoria , Tarlac at walang Pajero na naka-rehistro sa record ng LTO Roxas.

Natuklasan pa na ang Pajero ay nailipat na sa pangalan ng isang Dimsy Yap ng Upper Tomay, La Trinidad Benguet kung kaya isang malaking palaisipan sa pulisya kung paano naipaparehistro ni Yap ang sasakyan sa  LTO  Tarlac.

Ayon kay De Jesus, kilala ang LTO Tarlac na madaling makuhanan ng mga papeles para sa mga kuwestyonableng sasakyan kaya dapat umanong imbestigahan si Torres upang malaman ang sabawatan ng mga carnapper at mga opisyales ng LTO.

Kamakailan isang Alfredo Mendiola o “Bading” ang lumutang na kung saan ay isinasangkot nito ang ilang LTO officials na kasabwat ng mga carnapper

Sinikap naman ng sumulat na makuha ang panig ni LTO chief Torres subalit nabigo ang sumulat. Santi Celario

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply