Hepe ng pulis sinibak dahil sa jueteng

SINIBAK ni CALABARZON Police Director Chief Supt. Samuel D. Pagdilao Jr. ang hepe ng pulisya sa Antipolo City matapos na mabigo umano ito na masawata ang operasyon ng jueteng sa nasabing lungsod.

Ayon kay Pagdilao, ang pagsibak kay Police Superintendent Manuel Pion ay resulta pa rin ng pinaigting na one-strike policy ng PNP laban sa mga opisyal na mabibigong matanggal ang mga iligal na sugal sa hawak nilang mga bayan.

Ito ay matapos na madakip ng mga elemento ng Regional Intelligence Division sa pamumuno ni Police Superintendent Manuel Abu ang lima kataong sangkot sa jueteng operation dakong 11:30 ng umaga noong Sabado sa Brgy. Mambugan, Antipolo City.

Nakilala ang mga nadakip na sina Antonio Pregillana, 51, Rustom Somoza, 54, Liza Mercader, 53, Eduardo Mahina, 61, at Renato Dimaculangan, 45, na pawang mga residente ng nasabing lugar. Nakuha sa mga ito ang mga jueteng lastillas at P2,000 cash.

Sinabi pa ni Pagdilao na ang pagkakasibak kay Pion ay magsilbi sana umanong babala sa mga opisyal ng pulisya upang maging seryoso sa pagsawata ng mga iligal na sugal sa mga lugar na sakop nila.

Samantala, nanawagan naman si Pagdilao sa mga opisyal naman ng mga lokal na pamahalaan na tulungan ang kapulisan sa kanilang adhikain dahil kung hindi umano sila susuportahan hinggil dito ay malabong maging matagumpay ang kanilang layunin. Gaynor Bonilla

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply