Hindi bilib sa ‘believers’

SABI ni retired Archbishop Oscar Cruz, ang kagulat-gulat na bilang ng mga sumali sa prusisyon ng Poong Nazareno (7 milyon daw, ayon sa isang ulat) noong nakaraang Linggo ay indikasyon na naghihikahos na talaga ang napakaraming Pilipino.

Ayon sa Obispo, nawalan na ng pag-asa ang ating mga kababayan na makaangat sa buhay sa pamamagitan ng sariling kakayahan at pagsusumikap kaya’t kumakapit na lamang sa Itaas sa pagbabaka-sakaling mailigtas ang lupang katawan mula sa matinding kahirapan.

Hindi mahirap paniwalaan ang teorya ni Arsobispo Cruz. Ang teorya ko naman ay kung bakit  tayo naghihirap. Sa madaling salita ay ito ‘yun: Walang disiplina ang mga Pilipino.

Hindi ito maitatatwa. Ang ebidensiya ng kawalan natin ng disiplina ay kitang-kita—at amoy na amoy—pagkatapos na pagkatapos ng prusisyon ng Poong Nazareno.

Ano ito? Ang gabundok na basurang iniwan ng mga deboto sa Quirino Grandstand, Quiapo Church sa Maynila at sa mga kalsadang dinaanan ng prusisyon.

Hindi pinakinggan ng mga deboto ang pakiusap ng environmental group na EcoWaste Coalition na gawing “luntian” ang nasabing pagdiriwang.

Nakalulungkot , ayon kay Manny Calonzo ng Ecowaste Basura Patrol, ang iginawi ng mga naturingang “believers” na ginawang “dumping ground” ang Luneta at Simbahan ng Quiapo.

Iniulat ng National Park Development Committee (NPDC) at EcoWaste na umabot sa 250 garbage bags ang nakolekta sa Luneta Park pa lamang, kabilang na ang Quirino Grandstand.

Sa pagtaya ng Manila Department of Public Services (DPS)-Operation Division, umabot sa 72 tonelada ng basura ang ikinalat ng mga deboto sa loob ng dalawang araw na selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno.

Kabilang sa mga basurang ito ay plastic bags, plastic bottles, styrofoam containers, sticks, mga upos ng sigarilyo, balot ng candy at mga pagkain na walang pakundangang itinapon kung saan-saan ng mga deboto.

Kung hindi tayo makapagpapakita ng disiplina sa isang napaka-ispirituwal na selebrasyon tulad ng pista ng Itim na Nazareno, kailan?

Naging aktibista ako noong kabataan ko laban sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, pero hindi ako nangingiming sabihing tama siya sa kanyang mensaheng, “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan” na ipinasikat niya noong panahon ng batas militar.

Sa tanda ko, nadisiplina naman ang mga Pilipino, bagama’t sa pamamagitan ng kamay na bakal.

Kaya siguro hindi ito nagtagal. Hindi tumanim sa kultura. Nang magsimulang maupos ang kredibilidad ni Pangulong Marcos, magkasakit at masipa sa kanyang luklukan, unti-unting nawala ang kakapiranggot na disiplinang sinasabi niya.

Wala sigurong Pangulo ng bansa ang mangangahas gumamit muli ng slogan na, “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Pero bakit hindi?

Kung ang pagiging deboto sa isang poon ay maita-translate sa pagiging disiplinado sa maraming aspeto ng buhay—sa pakikitungo sa mga kapamilya, sa pagsunod sa trapiko, sa pagtanggi sa korapsyon, etc., sana ay angat na ang buhay natin.

Magpuprusisyon pa rin ang milyun-milyon, pero hindi dahil humihiling na maligtas sa kahirapan kundi dahil nagpapasalamat para sa isang mabiyayang buhay. Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply