Hindi na lang para kay Lauro

NAGLUNSAD ng “Run for Justice” activity ang grupo ni Lauro Vizconde kasama ang mga kaalyado tulad ni dating Bise Presidente Tito Guingona at marami pang iba.

Tinawag ang pagtitipon na “People’s Movement for Justice” (PMJ). Ang gusto ng grupo ay bawiin at baliktarin ng Korte Suprema ang naging desisyon nito na i-acquit si Hubert Webb at iba pa nitong kasama na mga naging akusado sa kaso ng brutal na pagpatay sa mag-iina ni Lauro Vizconde.

Para sa akin ay “pressure group” ang PMJ na ang intensyon ay kunin ang atensyon ng marami sa ating mga kababayan na dismayado sa naging desisyon ng Korte Suprema.

Marahil umaasa ang mga sumusuporta sa PJM na kapag tumindi ang init ng galit ng mga tao, kapag marami ang sumali sa mga pagtakbo para sa hustisya ay maiipit ang Korte Suprema, mape-pressure, at maaring ikonsidera ang reversal ng desisyon.

Pero para sa akin malayong mangyari ito. Bilang abogado na tumutok sa kaso ng Vizconde massacre, mayroon akong sarili at personal na paniniwala at sariling propesyonal na analysis at opinyon tungkol sa kaso pero nariyan na ang katotohanan na nagdesisyon na ang Supreme Court at maaring hindi na mabago yun.

Sa pagbasa ko sa  mga naganap at nagaganap pa, milagro na siguro ang makakapagpabawi pa ng desisyon ng Korte Suprema. Pero hindi ibig sabihin na ititigil na ng bayan ang laban para sa mga biktima ng karahasan at kawalang hustisya.

Saludo ako sa walang kapaguran, tapang at paninindigan ng mga kagaya ni Lauro Vizconde, Vice President Teofisto Guingona, sampu ng mga supporters nila sa hindi pag atras  at sa patuloy na paghahanap ng hustisya para sa nilapastangan at brutal na pinatay na si Carmela Vizconde at ang kanyang ina at batang kapatid. Kung marami ang nagiisip na tapos na ang kaso at marami ang nagpapa-authograph na kay Hubert Webb, patuloy pa rin ang grupo, umaasa na muli ay mabuksan ang kaso at nawa ay magbayad na ang mga kriminal.

Pero siguro, para lalo pang magkabisa ang pressure group ng PMJ ay palawakin pa nila ang sakop ng kanilang adbokasiya. Hindi na lang para kay Lauro Vizconde kundi para  na rin sa marami pang biktima ng karumal-dumal na krimen na hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng hustisya o kaya naman ay para maalala ng maraming tao ang mga kasong ito ng mga brutal at makahayop na krimen.

Siguro may mga nailing at natawa nang sabihin ng ilan sa mga supporters ni Lauro Vizconde na pwedeng magka-people power dahil sa panawagan nila para sa hustisya.

Pero malayo bang mangyari ito kung magsasama-sama ang marami pa sa mga nagsusumamo din ng dagliang hustisya?

Marahil ang kaso na gaya ng Vizconde massacre ay naging headline ng mga dyaryo katulad ng kaso ng karumaldumal na pagpatay kay Ruby Rose Barrameda, ang babaing nakitang nakasemento sa loob ng isang drum na itinapon sa sa ilog sa Navotas o sa PR man na si Buddy Dacer at ang driver nitong si Emmanuel Corbito, dahil sikat ang mga taong may kinalaman sa kaso.

Pero meron din na mga ordinaryong tao na mga biktima rin gaya nila na hindi na nagtagal sa headlines ang mga kwento. Kung magsasama-sama ang mga ito para sa isang mas malakas na panawagan ay pwedeng maging isang lehitimong adbokasiya ang sigaw ng mga pamilya ng mga biktima. Isang lehitimong adbokasiya para nawa sana ay madali nang makamtan ang mailap na hustisya.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong salobin at opinyon.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply