Hiwalayan blues

MAINAM ang panukala ni Representative Neri Colmenares ng Bayan Muna na amyendahan ang batas hinggil sa pagsasawalang bisa ng kasal o annulment.

Sa ilalim ng panukalang batas HB3952 ni Colmenares,  aamyendahan ang Article 36 ng Family Code na nagpapahintulot sa annulment sa batayan ng psychological incapacity.  Nais ng panukalang batas na ang kondisyon ng karahasan o spousal violence, pangangaliwa at pag-aabandona ay kaagad ikonsidera bilang mga balidong batayan na di na ngangailangan pa ng mahal na serbisyo ng mga eksperto tulad ng psychologist at psychiatrist para patunayan.

Layon ng panukala na gawing abot-kamay sa mahihirap ang proseso ng annulment.   Sa dalawampung taon na nga naman ng batas natin sa annulment, mga mayayaman lang at yung kayang gumastos ng isang-daan hanggang tatlong-daang piso o higit pa ang may pagkakataong makapaghain ng kaso ng annulment. Napakamahal nito para sa mga mahihirap at para sa mga ordinaryong empleyado.

Dagdag pa ni Colmenares, kadalasan, naaiwan sa interpretasyon ng huwes ang mga kasong inihahain at nakadepende ang resolusyon ng mga kaso sa kanilang mga personal na paniniwalang moral hindi sa meritong legal.  Ang nangyayari, kung sobrang konserbatibo ang huwes, di pinapahintulutan ang annulment at kung nais iapela ng petitioner ang kaso, haharap siya sa kumplikado, mahaba at mahal na proseso o pipiliin na lang niyang iatras ang kaso.

Sa rekord ng Solicitor General, tumaas ang mga kaso ng annulment noong 2007 na umabot sa walong kaso kada linggo  mula isa hanggang dalawang kaso kada linggo noong 2006.  Tumaas ng 71.5% ang mga inihaing kaso ng annulment mula noong 2001.

Ang datos na ito ay nagpapatunay ng realidad na nangyayari ang paghihiwalay ng mag-asawa gustuhin man ng simbahan o hindi. Mabuti para sa mga relasyong mag-asawa na tanging opsyon ang paghihiwalay, matapos gawin ang lahat para iayos ang pagsasama, na mabigyan ng alternatibo at suporta ng estado.

Lalung makakatulong ito sa mga mahihirap na  kababaihan na matagal nang nagtitiis sa dahas ng pambubugbog at pangangaliwa ng asawa at pag-aabandona.

Ang panukalang HB3952 ay kagyat na hakbang sa direksyon ng kinakailang lubusang reporma sa ating mga batas. Sana ay makita ng ating mga mambabatas ang merito ng panukala ng Bayan Muna at isaayos ang batas para iayon sa realidad at maging abot-kamay ito sa lahat hindi lamang sa iilan.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply