Ibalik ang parusang bitay laban sa mga demonyong kriminal

KATATAPOS pa lang ang Pasko at Bagong Taon.

Katatapos pa lang din ang kapistahan ng Poong Nazareno at kasalukuyang sineselebreyt ang bertdey ni Sto. Nino.

Lahat ng ito ay may temang pagmamahal at pagpapatawad.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, nagawa ng mga kriminal ang maghasik ng lagim sa buhay ni Juan.

Mantakin ninyo, sunod-sunod ang mga pamamaslang na may pagsunog sa apat katao.

Sina Venson Evangelista, Emerson Lozano, Ernani Sensil at Levi Dulay.

Pawang mga inosente ang mga ito pero pinatay na sila, pinaglilitson pa.

Andiyan din ang pagpugot sa ulo ng isang dalagita sa Cavite.

Ni-rape na ang kawawang biktima, pinugutan at ibinasura pa ito sa kung saan-saan na lamang ng mga manyakis.

Sino ang makaiisip ng pagmamahal at pagpapatawad sa mga araw na ito, huh?

Kung sa Diyos nga ay may hangganan ang kasamaan at impiyerno ang parusa niya sa mga demonyo, ganito rin dapat sa tao, kay Juan pagdating sa mga demonyong kriminal.

oOo

Kaugnay ng mga ito, dapat na sigurong ibalik ang parusang bitay.

Ayon sa mga kumokontra sa parusang bitay sa panahon ni Gloripie, hindi umano epektib ang parusa sa pagpigil sa pagdami ng mga krimen na karumal-dumal.

Isa pa, halos maliliit, mahihina at walang koneksyon lang ang karaniwang nahahatulan ng nasabing mga krimen samantalang nakalalaya ang mga makapangyarihan, maiimpluwensiya at mayayaman.

Derpor may malaking inhustisya umano ang pagpapairal ng katarungan kung pairalin ang bitay.

Kabilang ang mga katwirang ito sa mga naging batayan ni Gloripie sa pagbawi sa bitay bilang parusa.

May batayan nga ang mga anti-bitay.

oOo

Sa kabilang banda, malinaw namang dapat na masugpo ang mga demonyong kriminal.

At para hindi sila makapaminsala pa, ubusin na lang sila sa bitayan.

Hindi uubra sa mga ito ang habambuhay na pagkabilanggo na doon sila magkakaroon ng tsansa na tumakas, mapatawad o makapagpiyansa saka babalik sa dating gawi.

Ipadaan nga lang sa butas ng karayom ang pag-alam ng mga hukuman kung sila ay gilti o hindi.

Sa mala-butas ng karayom na katarungan, walang maituturing na mayaman at mahirap.

Ang gawang krimen ang titiladtilarin at doon malalaman ang mga kriminal at inosente.

Kung iisipin, mas mabuti na gawin ito kaysa basta na lang imasaker ng mga awtoridad ang mga suspek sa bisa ng shoot to kill order.

Sa pagsasalang sa hukuman ng mga suspek bago sila bitayin, anong malay natin na ikakanta ng mga ito ang kanilang mga kasosyo o amo?

Hindi kasi masosolb ang isang malagim na krimen sa pamamagitan ng paisa-isang paglipol sa mga kriminal.

Dapat na pagsama-samahin ang mga magkakasabwat upang ganap silang mag-goodbye Pilipins at mag-goodbye earth.

Huwag nang antayin ng mga anti-bitay na sila ang papatayin at susunugin at reypin saka pupugutan.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply