Ikulong pati padrino

SABI nila kapatid daw ng pulitika ang pelikula.

Tama nga naman kasi maraming mga taga pelikula ang involved na sa pulitika. Maraming mga pulitiko ang may koneksyon at ka-relasyon sa showbiz.

Malaking bagay din naman kasi ang kasikatang dulot kapag nasa entertainment business kaya partida na sa isang pulitiko ang may karelasyon sa pelikula, o kung may kapatid, asawa, kaibigan, kasintahan, at iba pa, na taga showbiz. .

May isa pang ka-relasyon ang pulitika na kailangan namang putulin. Ito ay ang relasyon ng pulitika sa kriminalidad.

Katulad na lang ng mga Dominguez brothers na laging laman ng mga balita ngayon dahil itinuturo sila at sinasabing mga pinuno daw ng mga carjacking crimes at sa utak sa pagpatay sa mga car dealers.  Ang sinasabi ng ilan, may mga koneksyon daw sa pulitika ang Dominguez brothers.

May mga ka-relasyon daw sila sa mga matataas na opisyal ng gobyerno at mga makapangyarihang pulitiko kaya kahit madami nang kinakaharap na kaso ay nakakapag-operate pa rin. Malakas daw ang mga padrino ng Dominguez brothers. Hindi lang sila.

Ang pinaniniwalaan ng marami sa atin, kahit sinong big time na mga kriminal dito sa Pilipinas ay may kakampi o kasanggang big time na mga pulitiko.

Kaya naman protektado daw ang mga kriminal na ito tulad ng mga organized carnappers, mga drug lords, mga illegal gambling operators at mga prostitution den owners.

Sana kapag sinabi ng ating mga awtoridad na “solved” na ang isang krimen, ang ibig sabihin ay kasamang malalantad sa publiko ang mga opisyales ng gobyerno at mga malalaking pulitiko na nangangalaga, nagbibigay ng pondo at sumusuporta sa mga iligal na elemento at mga kriminal.

Ang mga makapangyarihang mga opisyal ng gobyernong ito at mga pulitiko na hinihinalang nasa likod ng paglala ng kriminalidad sa bansa ang nagbibigay lakas ng loob sa mga kriminal at maaring nagbibigay din ng pondo para makapag-operate sila sa kanilang iligal na mga gawain.

Sa pagtugis sa mga kriminal at sa pagimbestiga sa kanilang mga aktibidad, dapat ay ilantad din ang mga government officials at mga pulitiko na mapapatunayang nasa likod ng mga krimen. Dapat i-expose at pangalanan para kasamang maparusahan at makulong.

Takot na ang bayan sa lumalalang kriminalidad sa bansa. Ang nakakabahala, kadalasan ay may lumalabas na mga pangalan ng mga opisyal ng gobyerno at mga pulitiko tuwing may imbestigasyon.

Halimbawa, mga kidnap cases na kinasasangkutan daw ng mga opisyal na mga pulis, mga pagpatay na may kasangkot na gobernador, rape na sangkot ang mayor at Congressman. Mga drug dealings at iligal na sugal na ang sabi ay protektado ng mga opisyal ng gobyerno.

Pero tuwing sinasabi na “solved” na ang krimen hindi naman nakakasamang masampahan ng kaso para maparusahan ang mga prominenteng mga pangalan kung kasangkot man talaga sila.

Kaya siguro hindi nasusugpo ang krimen dahil kung nababawasan man ang sanga ng puno ng kriminalidad hindi naman nabubunot ang ugat kaya tumutubo pa rin at yumayabong pa.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply