Illegal loggers na nagpapalala ng baha, lagot kay PNoy

MAAARING bilang na ang maliligayang araw ng illegal loggers sa bansa kung paninindigan ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang mabigat na pahayag.

Nitong Biyernes, January 14, nagbitaw ng babala si Aquino laban sa illegal loggers habang ang presidente ay nasa Butuan City sa Agusan del Norte upang tumulong sa pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan ng mga nabiktima ng baha at landslides sa nasabing lugar.

“Ako po ay parang may pagka-bulldog, tenacious…interesado ako dito hindi ko ho lulubayan ito hanggang magkaroon ng solusyon na agaran at tama”, ani Aquino sa isang pagtitipon sa Butuan, kung saan sinabi niyang may anim na probinsiya sa bansa kung saan malawakan ang illegal logging.

Aniya, pinag-aaralan na ng Department of Justice at Department of Interior and Local Government kung ano ang mga kasong puwedeng isampa sa illegal loggers para mabulok sila sa bilangguan.

“Iiwan ko po muna sa Justice department dahil inaaral na rin nila ito together with the local government department,” sabi ni Aquino.

“Marami tayong pwedeng i-charge diyan katulad po ng damage to infrastructure, meron din economic sabotage na aspect diyan when you keep on destroying the public infrastructure because of this wanton cutting of our forests”, aniya.

“Ang habol natin dito ay ang katiyakan na kung may gumawa ng kasalanan may kaparusahan”, dagdag pa niya.

Sa isang hiwalay na pahayag nito ring Biyernes, sinabi ni Aquino na pinag-iisipan niyang ipagbawal ang pagtotroso sa buong bansa.

“There must be a long-term intervention to all these flooding. Actually I’m thinking of a total log ban everywhere in the country,” ani Aquino nang bumisita naman siya sa ilang bahagi ng Albay na nalubog din sa baha.

Ayon sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Sabado, January 15 ng alas-sais ng umaga, ang hanging amihan na nagdala ng patuloy na pag-ulan ay nakaapekto na sa 25 probinsiya sa sampung rehiyon ng bansa.

Sa kabuuan, may 1,388,380 katao o 268,079 pamilya na ang naapektuhan ng pag-ulan at landslides sa 147 municipalities at 16 siyudad sa 25 probinsiya sa Regiona IV-B, V, VI, VII, VIII, X, XI, XII, CARAGA at ARMM.

Apatnapu’t pito na ang naitalang namatay. Samantalang walo ang nasaktan at apat naman ang nawawala.

May 1,582 kabahayan naman ang naapektuhan ng pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa – 413 sa mga ito ang nawasak, samantalang 1,169 ang bahagyang nasira.

Samantala, umabot na sa P1.55 bilyon ang naitalong damage sa agrikultura, infrastructure, at private properties – P417,715,140 sa agrikultura; P1,083,732,418 sa infrastructure; at P20,996, 300 sa private properties.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply